MANILA, Philippines – Nagsampa ng reklamo ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa vlogger na si “Sir Jack” sa Department of Justice (DOJ) dahil sa umano’y pagpapakalat ng maling medical information tungkol kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa NBI, nahaharap si Sir Jack, na kinilalang si Jack Argota, sa reklamong cyberlibel at unlawful publication. Nauna nang humarap si Argota sa NBI matapos makatanggap ng subpoena at nagsumite ng kanyang pahayag kaugnay ng alegasyon.
Nag-ugat ang reklamo sa kumalat na dokumento sa social media noong Enero na naglalaman ng umano’y health information ng Pangulo, na tinawag ng Malacañang na “fabricated and malicious.”
Nangyari ito matapos sumailalim si Marcos sa medical consultation sa St. Luke’s Medical Center dahil sa diverticulitis, isang kondisyon ng pamamaga sa malaking bituka.
Nauna na ring nagsampa ng cyberlibel complaints ang NBI laban kina dating broadcaster Jay Sonza at social media personality Eric Celiz kaugnay ng parehong insidente. Dave Baluyot