MANILA, Philippines – Iniimbestigahan ng Comelec ang umano’y vote-buying bago ang Mayo 12 halalan.
Isang partylist ang pinaghihinalaang namigay ng membership cards na may P300 sa Baguio City, ngunit walang lumutang na saksi.
“Ipinakita sa amin yung picture nung allegedly ay membership card ng isang partylist na may P300. Pero kasi yun lang yun, eh wala man lang kaakibat na testimonya or nagsasabi ng isang tao na siya yung nabigyan,” ani Comelec chairperson George Garcia.
Apat na kaso ang iniimbestigahan ng Kontra-Bigay committee, na nananawagan ng karagdagang ebidensya tulad ng testimonya o video.
Sinabi ni Commissioner Ernesto Maceda Jr. na handa silang tumulong sa pagbuo ng ebidensya at pananagutin ang lumabag.
Bumuo rin ang Comelec ng task force para bantayan ang bayad sa political surveys, upang maiwasan ang sobrang singil na maaaring magresulta sa maling ulat ng gastos ng mga kandidato. RNT