Home NATIONWIDE Voter’s education module ilulunsad ng poll watchdog

Voter’s education module ilulunsad ng poll watchdog

MANILA, Philippines – Nakatakdang maglunsad ng voter education module ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) bilang bahagi ng mandato nito na gabayan ang mamamayan na bumoto nang matalino sa panahon ng halalan.

Sinabi ni PPCRV national coordinator Dr. Arwin Serrano na ang layunin ng paglulunsad ng modyul sa unang bahagi ng susunod na buwan ay ipaalam sa lahat, lalo na sa kanilang mga boluntaryo, ang mga patuloy na hakbang na ginagawa ng election watchdog ng Simbahan sa mga electoral exercises sa bansa.

“We just want to inform our volunteers that we are doing something, we will come up with the voter’s education module…,” ani Serrano sa Church-run Radio Veritas .

Sinabi ni Serrano na layunin ng modyul na makapagbahagi ng kaalaman sa nararapat at matalinong partisipasyon ng bawat isa sa halalan hindi lamang sa darating na barangay elections kundi maging sa 2025 midterm elections at 2028 National and Local Elections.

Nakatakdang maglunsad ang PPCRV ng modyul sa Agosto 5 sa Pope Pius 12th Catholic Center sa Manila.

Ang mga volunteer mula sa ibat-ibang lugar sa bansa ay inaasahang dadalo sa aktibidad .

Binanggit ni Serrano na pagkatapos ng paglulunsad , magsasagawa sila ng serye ng training sessions sa Setyembre.

Idinagdag pa na ang layunin ng pagsasanay na maipalaganap ng mga boluntaryo ang kaalaman at kasanayan na dapat taglayin ng bawat isa sa pagsubaybay sa proseso ng halalan sa bansa.

“There are six modules that will be presented, we will set up training in September,” sabi ni Serrano.

Binanggit din ng opisyal ng PPCRV na ang dahilan ng pagbuo ng voter’s education module ay upang magsilbing gabay sa paghubog ng mga kabataan na makabayan at mulat sa kahalagahan ng demokrasya at halalan sa bansa. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)