MANILA, Philippines – Sinabi ni Vice President Sara Duterte nitong Martes na bukas siyang sumailalim sa lie detector test, basta ilabas muna sa publiko ni dismissed policeman Rodulfo Gracioso Jr. ang resulta ng kanyang pagsusuri.
“Wala akong problema sa lie detector test pero ipakita muna nila ‘yung public na lie detector test ni Gracioso,” ani Duterte sa isang press briefing.
“Kasi ang nagke-claim lang naman na pumasa siya sa lie detector test is si Gracioso mismo,” dagdag niya.
Una nang inakusahan ni Gracioso na naghatid siya ng mga maleta na may lamang pera kina Duterte, Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte at dating Pangulong Rodrigo Duterte, umano sa utos ni dating House Speaker Lord Allan Velasco.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, sumailalim si Gracioso sa lie detector test bago ilabas ang kanyang sinumpaang salaysay at nakakuha umano ng 99% na resulta. Matapos ang affidavit, muli siyang sumailalim sa isa pang lie detector test sa NBI.
Itinanggi naman ng kampo ni Velasco ang mga alegasyon at sinabing “no basis” ang mga ito.
Muling mariing itinanggi ni Duterte ang mga pahayag ni Gracioso at binasa ang kanyang affidavit na isusumite umano ng kanyang kampo sa mga awtoridad sa Huwebes, Oktubre 8.
“Mariin kong tinatanggi ang mga pahayag ni Rodulfo Mondigo Gracioso Jr. sa kanyang sinumpaang salaysay at mga panayam sa media na inuugnay ako sa mga pangyayaring hindi ko ginawa, hindi ko nalalaman, o hindi ko personal na naranasan,” ani Duterte.
Itinanggi rin ng bise presidente ang alegasyon ni Gracioso na siya ay sinundo nito sa isang private hangar sa Pasay at inihatid sa Diamond Hotel. Ayon kay Duterte, hindi basta makalalapit sa kanya si Gracioso dahil sa seguridad ng Presidential Security Group (PSG), na nagsilbing kanyang security personnel mula Hulyo 2016 hanggang Hunyo 2022.
“Hindi kailanman nangyari na ako ay sinundo ni Gracioso sa isang private hangar sa Pasay, sumakay sa isang Ford Savanna White na artista van at hinatid sa Diamond Hotel,” ani Duterte.
Itinanggi rin niya na personal aide niya si dating Davao City chief information officer Jefry Tupas, na ayon kay Gracioso ay tumanggap umano ng pera para sa kanya.
“Hindi ko katiwala, assistant, or personal staff si Tupas. Naniniwala ako na kaya si Tupas ang pinili ni Gracioso na isali sa kasinungalingan ay dahil akala ni Gracioso na si Tupas ay isang sunod-sunodan o lackey na bakla dahil nakikita niya na magkaibigan kami at uma-attend siya sa mga events ko,” ani Duterte. RNT/MDS