MANILA, Philippines – KUMBINSIDO ang Malakanyang na kailangan ng umuwi ng Pilipinas si Vice-President Sara Duterte mula sa The Netherlands.
Si VP Sara ay nasa The Netherlands para suportahan ang kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte na nasa kustodiya ngayon ng International Criminal Court (ICC) para sa paglilitis ng isinampa sa kanyang kasong “crimes against humanity.”
“Sa tingin ko dapat po isipin po niya na kailangan din po siya ng Pilipinas bilang Bise Presidente. Siya po dapat ay nagtatrabaho hindi lang para sa kaniyang ama although na acceptable po at maiintindihan po natin sa ngayon ang kaniyang nararamdaman,” ang sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Dapat din aniyang tandaan ni VP Sara na milyong filipino ang bumoto sa kanya bilang Pangalawang Pangulo ng bansa at kailangan din aniya na pagsilbihan niya ang mga ito.
Sa kabilang dako, naniniwala naman si Castro na kailangan ang mas pinaigting na imbestigasyon ukol naman sa mga pangalan ng pitong iba pang mga nakatanggap ng confidential funds ni VP Sara.
“Kung ito man po ay nadiskubre po, siguro po mas paigtingin pa po talaga ang pag-iimbestiga patungkol po dito. Bakit po? Kasi karapatan po ng taumbayan malaman kung saan po talaga ginagasta ang pera ‘no, ang pondo ng bayan, ang kaban ng bayan kung saan po nadadala. Kung ito man po ay nadiskubre po, dapat po rin patunayan kasi as of the moment, sasabihin pa rin po natin may presumption of regularity patungkol diyan. Pero, since naku-question nga po ito ay dapat lamang pong patunayan ni VP Sara kung ang mga resibong ito ay totoo o hindi,” ang litaniya ni Castro.
Sa ulat, inilabas pa ni House Deputy Majority Leader Francisco Paolo Ortega V , ang mga pangalan ng pitong iba pang mga nakatanggap ng confidential funds ni VP Sara.
Sinabi ng Kongresista mula sa lalawigan ng La Union na ilan sa mga pangalan na lumabasay sina Dodong Alcala, Dodong Bina, Dodong Bunal, Dodong Darong , Dodong S. Barok, Jay Kamote at Miggy Mango.
Sinabi ng mambabatas ang nasabing pagsiwalat niya ay maaring magamit sa impeachment ng Vice Presidente.
Dagdag pa nito na nagsumite rin ang Department of Education na pinamunuan ng Bise President noon at Office of the Vice President ng mga dokumento na mayroong maling petsa, pirma na walang pangalan at hindi mabasang mga pangalan para ma-justify ang pagpapalabas ng confidential funds noong 2022 at 2023.
Magugunitang unang lumabas ang pangalan na sina Mary Grace Piattos at Xiamoe Ocho na walang mga pangalan sa Philippine Statistics Authority.
Giit ni Ortega na hindi ito kapabayaan at maituturing na maingat na planong paglustay ng pondo ng goyberno dahil sa peke ang pangalan, liquidation at pananagutan. Kris Jose