MANILA, Philippines- Hindi kasama si Vice President Sara Duterte sa magiging caretaker ng Pilipinas habang nasa Lao PDR si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para dumalo sa 44th at 45th ASEAN Summit and Related Summits.
Sa katunayan, sinabi ni Presidential Communications Office Acting Secretary Cesar Chavez na ang mga tatayong caretakers ng bansa ay sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III at Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla.
Si Bersamin ang tatayong chairman ng committee of caretakers.
”It is an Executive Committee chaired by ES, with Secretaries of Justice and Agrarian Reform as members,” ang sinabi ni Chavez.
Matatandaang isa si VP Sara sa mga tumatayong caretaker ng bansa kapag wala ang Pangulo at nasa state, official, at working visits ito sa ibang bansa.
Naging magkatambal at nanalo sa Eleksyon 2022 sina Marcos at Duterte sa ilalim ng Uniteam bilang presidente at bise presidente.
Itinalaga ni Marcos si Duterte bilang kalihim noong Department of Education (DepEd) noong June 2022.
Pero binitiwan ni Duterte ang naturang posisyon nitong nakaraang Hunyo dahil umano sa pakikialam nina Speaker Martin Romualdez at House Committee on Appropriations chair Rep. Elizaldy Co Itinanggi ni Co ang naturang paratang ni VP Sara na tinawag niyang “budol” o panloloko.
Inihayag ni VP Sara na hindi niya talaga kaibigan si Pangulong Marcos at nagkakilala lang sila nang magtambal para sa 2022 presidential elections.
Sinabi pa ni VP Sara na ang talagang kaibigan niya ay ang kapatid ni Marcos na si Senador Imee Marcos. Kris Jose