MANILA, Philippines – Bigong humarap sa Quezon City Regional Trial Court si Vice President Sara Duterte kasunod ng paglalabas ng arrest warrant laban sa kanya.
Nag-isyu ang QC Regional Trial Court Branch 98 ng arrest warrant kaugnay sa three counts ng grave threats matapos na makitaan si Duterte ng probable cause para panagutin ito.
Sa ulat, dumating ang karagdagang pwersa ng pulisya sa QC Regional Trial Court kasunod ng hiling matapos iisyu ang arrest warrant.
Dinala na rin sa loob ng korte ang backdrop na pinaniniwalaang gagamitin para sa mugshots.
Sa kabila nito ay hindi dumating si Duterte sa korte.
Nauna nang sinabi ng abogado ni Duterte na walang intensyon ang Bise Presidente na takasan ang batas at sinabing gagawin ang lahat ng legal na pamamaraan.
“Regardless of the question on jurisdiction, she has no intention of evading the law and will continue to exercise all her legal remedies,” ayon kay Paul Lawrence Lim, counsel ni Duterte.
Noong Agosto, naghain ang Department of Justice (DOJ) ng three counts ng grave threats laban kay Duterte.
Ang mga reklamong ito ay nag-ugat sa kanyang pahayag at sinabing may kinuha na siya para ipapatay sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez kung maging matagumpay ang plano laban sa kanya.
Kasunod nito ay naghain ng motion to quash si Duterte sa jurisdictional grounds, at sinabing siya bilang isang impeachable officer, ay may limited procedural immunity mula sa criminal prosecution habang nasa opisina sa ilalim ng 1987 Constitution.
Ayon sa DOJ, tinanggihan ng korte ang mosyon ni Duterte dahil sa kakulangan ng merito.
Isinagawa ang oral arguments sa mosyon noong Agosto. RNT/JGC