Manila, Philippines – Muling humarap sa pagdinig ng Kamara si Vice President Sara Duterte ngunit tumanggi itong manumpa sa pagdinig ng House Committee on Good Government.
Kinuwestyon ni VP Sara ang komite kung bakit siya kailangang manumpa gayung siya ay inimbitahan bilang resource person at hindi isang testigo o person with interest na siyang naging dahilan upang ilang beses na pansamantalang suspendihin ang pagdinig.
Ipinaliwanag pa ni VP Sara na: “What you are witnessing now is no ordinary legislative inquiry. This exercise is well funded, coordinated and political attack. This much is evident from the very words of this privilege speech that prompted this inquiry, a speech that simply meant to say, ‘do not vote for Sara on 2028’.”
Sinabi pa ng pangalawang pangulo na ito ang dahilan kung bakit mas pinili niyang huwag idepensa ang 2025 budget ng Office of the Vice President na sa kanyang sulat ay sinabi niyang ipinauubaya na niya sa liderato ng Kamara ang kapasyahan ukol sa pondo ng OVP sa darating na taon.
Naunang sinabi ni Manila Rep. Joel Chua, chairman ng Committee on Good Government, na pareho lamang ang “witness” at ”resource person” pagdating sa pagdinig ng Kongreso kung kaya dapat lamang na manumpa bago sumagot o magbigay ng anumang pahayag sa pagdinig.
Kaugnay nito ay bumanat din si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo nang magpasok siya ng point of order ukol sa pagkakaiba ng resource person at witness sa pamamagitan ng pagbanggit sa mga nagdaang desisyon ng Korte Suprema.
“The court explains that the right of the accuse against self incrimination also applies for the respondents in the administrative investigative such as in legislative inquiries in aid of legislation. We cannot just trivialize that pareho na rin iyon witness at resource person but the Supreme Court says that they are not the same,” ayon kay Arroyo bilang tugon sa ruling ng chairman na pareho lang ang witness at resource person kung kaya dapat ding manumpa si VP Sara.
Hindi napilit ng komite na manumpa ang pangalawang pangulo at sa hali ay binigyan ito ng pagkakataon na magsalita.
“I am not asking for any special treatment nor am I asking you to uphold any tradition, there is no disrespect, all I am saying is that you have the complete freedom to do whatever you wish with the OVP budget. If you think that all the documentary traditions are not enough then by all means hwuag kayong magbigay ng badyet,” ayon sa paulit-ulit na pahayag ni Duterte. Meliza Maluntag