Home NATIONWIDE VP Sara kumpiyansa sa paghawak ng kanyang mga abogado sa impeachment case

VP Sara kumpiyansa sa paghawak ng kanyang mga abogado sa impeachment case

MANILA, Philippines- Sinabi ni Vice President Sara Duterte na kumpiyansa siyang maipapanalo ng kanyang mga abogado ang kanyang impeachment trial.

“Ako naman I am most confident with the lawyers working on my impeachment case,” ayon kay VP Sara, nasa Cebu ngayon para bisitahin ang ilan sa kanyang mga kamag-anak sa Danao City.

Sa kabilang dako, sinagot din ni VP Sara ang mga komento mula sa mga mambabatas kung saan pinalalabas ng mga ito na ang kanyang ginawang pag-endorso sa ilang Senate candidates ay isang “political move” na ang hangarin ay impluwensyahan ang impeachment trial kapag nagbukas ang bagong Kongreso matapos ang midterm elections.

“[Ang] nag-trigger ng paglabas ko ay ang ginawa nila kay Pangulong Duterte at ang ginawa nila na injustice,” ang winika ni VP Sara.

Ani VP Sara, ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang humiling sa kanya na ikampanya ang 10 Senate candidates, sa kanyang ngalan.

Kabilang dito sina Atty. Jimmy Bondoc, Jayvee Hinlo, Raul Lambino, Dante Marcoleta at Vic Rodriguez; incumbent senators Bato Dela Rosa at Bong Go; actor Philip Salvador; Dr. Marites Mata, at Pastor Apollo Quiboloy.

Inendorso rin ni VP Sara si Congresswoman Camille Villar at reelectionist Senator Imee Marcos. Sinabi ni VP Sara na hindi na niya nahingi pa ang permiso ng kanyang ama bago pa niya inendorso ang dalawa.

“Kaibigan ko sina Senator Imee Marcos and (Senator) Camille Villar. Kulang naman kasi ng dalawang kandidato ang sampo,” ang paliwanag ni VP Sara.

Tiniyak naman ni VP Sara na hindi siya sasama sa anumang campaign rallies para sa mga senatorial candidates.

“Ang ginagawa ko unang-una nagpapasalamat sa mga tao dahil ang dami daming nagpakita ng supporta,” pahayag niya.

“Hindi din naman magkasama yung #Duter10 at yung dalawa,” dagdag ni VP Sara.

Samantala, hinikayat naman ni VP Sara ang PDP na mag-isip ng rally kasama ang lahat ng 12 candidates.

“Maalala niyo ang 2022 platform ay unity at continuity pero sa nakikita niyo ngayon walang continuity. Itong mga senators ngayon nagsabi sila na naintindihan nila kung ano ang vision,” ayon kay VP Sara.

Sinabi nito na hindi tugma ang kanyang iskedyul sa initial events ng PDP.

Sa kanyang hindi pagdalo, nagpadala na lamang siya ng video message na maaaring ipalabas ng mga kandidato ng PDP.

Samantala, inulit ni VP Sara na ang pag-aresto sa kanyang ama ay “extraordinary rendition in the International Criminal Court”.

Kasalukuyan ngayong nakaditine si dating Pangulong Duterte sa ICC facility sa The Hague, The Netherlands para sa crimes against humanity kasunod ng naging pag-aresto sa kanya noong Marso 11, 2025. Kris Jose