MANILA, Philippines – NANINIWALA si Vice President Sara Duterte na ang gobyernong Marcos ay hindi na “stable” sa gitna ng alegasyon ng korapsyon kung saan may ilang mambabatas ang isinasangkot.
Ipinahayag ito ni VP Sara sa press conference sa Senado matapos na aprubahan ng finance subcommittee ang panukalang P902.895 million budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa fiscal year 2026 ng wala pang isang oras.
Tinanong kasi si VP Sara kung sa tingin nito ay ‘stable’ pa ang gobyerno sa gitna ng usapin ng korapsyon, kung saan ang nagng tugon nito ay “No.”
“Our institutions are clearly abused. They are used for personal gain…and we have already seen the testimony of witnesses about corruption and there is practically nothing happening in our country,” aniya pa rin.
“Nakailang ulit ko na ‘yan sinasabi noon na tigilan ‘yung pulitika, tigilan ang pag-una ng pansariling interest kasi walang nangyayari sa ating bansa. Meron ba kayong nakikita at all na project na nakatulong sa ating bayan? Wala,” dagdag na wika nito.
Gayunman, tikom naman ang bibig ni VP Sara nang tanungin ukol sa moral ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
“Hmm…hindi ko alam. Hindi ako makapagsalita sa morale ng mga sundalo. Siguro pinakamabuti na magsalita patungkol sa morale ay sila na mismo ang magsabi,” aniya pa rin.
Sa ulat, mariing itinanggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Huwebes ang umano’y destabilization plot upang patalsikin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at tinawag ang naturang impormasyon na “baseless” at “unfounded.”
“The AFP rejects malicious narratives about supposed plans to unseat the President or launch destabilization efforts,” pahayag ni AFP Public Affairs Office chief Col. Xerxes Trinidad.
“These claims are baseless, unfounded, and far removed from reality,” dagdag niya.
Ayon sa mga ulat, ang sinasabing plano ay dapat naganap bago ang mga rally kontra korapsyon noong Setyembre 21, na bunsod ng mga bagong natuklasang anomalya sa mga proyekto ng flood control ng pamahalaan na kinasasangkutan ng mga inhinyero at politiko.
“Our loyalty does not rest on politics or personalities, but firmly on the Constitution, the Republic, and the Filipino people,” ani Trinidad. “The AFP’s role is clear: to defend our democratic institutions, not to arbitrate political disputes.”
Binigyang-diin din ni Trinidad na nananatiling propesyonal at disiplinado ang hanay ng militar, at buo ang chain of command.
“Efforts to link the AFP to intrigue are nothing more than attempts to sow division, cast doubt on our leadership, and derail the President’s fight against corruption,” sinabi niya.
Sa pamamagitan ng Executive Order No. 94, lumikha si Pangulong Marcos ng isang independent fact-finding body upang imbestigahan ang mga umano’y iregularidad sa mga proyekto ng flood control at iba pang imprastruktura ng pamahalaan. Kris Jose