MANILA, Philippines – Dumating sa Amsterdam si Bise Presidente Sara Duterte nitong Huwebes, Marso 13, upang suportahan ang kanyang ama, dating pangulong Rodrigo Duterte, matapos itong arestuhin sa ilalim ng warrant ng International Criminal Court (ICC) dahil sa kasong crimes against humanity.
Lumapag ang Emirates flight na sinakyan ng Bise Presidente bandang 7:27 p.m. lokal na oras (2:27 a.m. sa Maynila).
Inaasahang tutungo si VP Duterte sa The Hague, isang oras mula Amsterdam, upang makipagpulong sa legal na koponan ng kanyang ama at humiling ng access sa kanya.
Nakatakda siyang humarap sa media sa Marso 14 pagkatapos niyang makapag-ayos sa The Hague.
Nagpasalamat naman si Duterte sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa Dubai at Al Maktoum International Airports na tumulong sa kanila sa kanilang stopover. Pinahalagahan din niya ang mga mensahe ng suporta at panalangin para sa kanilang pamilya.
Inaresto si dating Pangulong Duterte dahil sa kasong crimes against humanity kaugnay ng madugong kampanya kontra droga na sinasabing nagdulot ng mahigit 20,000 pagkamatay, karamihan ay mahihirap na Pilipino.
Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng ICC sa The Hague, kung saan nagbigay ng consular assistance ang Philippine Embassy sa Netherlands, kabilang ang winter clothing, care packages, at medikal na suporta. RNT