Home NATIONWIDE VP Sara niresbakan ng Palasyo: Harapin mga kaso, magpaliwanag sa publiko

VP Sara niresbakan ng Palasyo: Harapin mga kaso, magpaliwanag sa publiko

1
0

MANILA, Philippines – HINAMON ng Malakanyang si Vice President Sara Z. Duterte na harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya sa halip na mag-ingay at sabihin na mayroong “drama” sa impeachment proceedings laban sa kanya.

Sa press briefing sa Philippine Embassy sa New Delhi, India, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na walang shortcut sa justice system.

Giit ni Castro na ang paghahain ng kaso laban kay VP Sara at sa mga kaalyado nito ay base sa ebidensiya at ‘subject to due process.’

“Wala naman po talagang drama sa pagsasampa ng mga kaso sa inyo. Kung may ebidensya, ang DOJ (Department of Justice), ang Ombudsman, ang mga investigating bodies, lahat po dinadaan po ito sa ebidensya,” ani Castro.

“Kaya hindi po agad-agad nakakapagsampa ng kaso at iginagalang ang due process. Hindi po tayo, lalong-lalong na sa panahon po ni Pangulong Marcos Jr., hindi po ginagawang shortcut ang hustisya,” aniya pa rin.

Pinalagan naman ni Castro ang sinabi ni VP Sara na ginagamit lamang ng administrasyon ang extrajudicial killings para itulak ang mga kaso laban sa kanya.

Dahil dito, hinamon ni Castro si VP Sara na personal na sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya, partikular na ang usapin ng paggamit ng confidential funds at iba pang mga paggasta.

Ani Castro, matagal ng binigyan ng pagkakataon si VP Sara para magbigay ng kanyang depensa.

“Matagal na po kayong hinihintay, Bise Presidente, na magbigay ng inyong depensa. Pero nananatili po kayong nasa likod ng inyong mga lawyer,” ang winika ni Castro.

“Ang hiling ng tao po, kayo mismo, ang mag-deny ng lahat ng mga resibo na nakapangalan kung kani-kanino na hindi man lang nabanggit na ito ay mga aliase,” aniya pa rin.

Pinabulaanan naman ni Castro ang sinabi ni VP Sara na binabalewala ng administrasyon ang kasalukuyang problema sa baha ng bansa, binigyang-diin na patuloy na naghahanap ng short- at long-term solutions ang administrasyon sa bagay na ito.

Kaya ang payo ni Castro kay VP Sara ay ituon ang pansin sa patuloy na pagbaha sa Davao City, kung saan siya at ang kanyang pamilya ay patuloy na may hawak na mahalagang posisyon sa lokal at congressional post. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here