Home NATIONWIDE VP Sara, pinagmulan ng kanyang sariling impeachment trial – House prosecution

VP Sara, pinagmulan ng kanyang sariling impeachment trial – House prosecution

1
0

MANILA, Philippines – Walang ibang dapat sisihin si Vice President Sara Duterte kundi ang kanyang sarili sa kinahaharap nitong impeachment trial, ayon kay House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong.

Binigyang-diin ni Alonto Adiong na hindi magkakaroon ng proseso ng impeachment kung hindi gumawa ng kapabayaan at katiwalian ang Bise Presidente.

Aniya, nag-ugat ang kaso sa mga paratang ng maling paggamit ng confidential funds sa OVP at DepEd, pagbabanta sa buhay nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez, pati na ang usapin ng bribery at hindi maipaliwanag na kayamanan sa kanyang SALN.

Siya po ‘yung pinagmulan nitong problema na ito. Dahil siya po ‘yung hindi nag-declare nang tama, siya po ‘yung binigyan ng tiwala ng taong bayan, hindi niya inalagaan,” pahayag ni Alonto Adiong.

Pinalagan din ni Alonto Adiong ang pahayag ni Duterte na gagamitin umano ang 2027 national budget bilang “gantimpala” sa mga mambabatas kapalit ng kanyang conviction.

Tinawag niya itong gawa-gawang naratibo dahil hindi pa man nagagawad o nakakarating sa Senado ang panukalang budget.

Inakusahan din ng solon ang kampo ng Bise Presidente sa patuloy na pagpapababa at pagbalewala sa halaga ng impeachment, na isa namang importanteng tungkulin sa ilalim ng Saligang Batas para papanagutin ang mga matataas na opisyal ng pamahalaan.

Samantala, inihayag ng prosecution team na patuloy ang kanilang paghahanda sa pamamagitan ng mga mock trial habang pinaghahandaan ang pagpapatuloy ng pagdinig sa Nobyembre 9. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here