Home HOME BANNER STORY VP Sara pinuputakte ng black propaganda

VP Sara pinuputakte ng black propaganda

MANILA, Philippines – Sinabi ni Vice President Sara Duterte na tumindi ang mga personal na pag-atake na naglalayong sirain ang kanyang reputasyon.

Sa isang video statement, sinabi ni Duterte na bahagi ito ng black propaganda at pamumulitika mula sa mga taong gustong makita siyang mabigo bilang isang public servant.

“Nagiging mas matindi, mapangahas, at desperado na ang mga paninira sa akin ngayon,” anang bise presidente.

“Bahagi ang mga ito ng isang organisadong demolition job na ang layunin ay sirain ang aking integridad at gumawa ng imahe na ako ay isang mamamatay-tao, na corrupt, abusado, taksil at isang war lord,” she added

Binanggit din niya sa video kung ano ang itinuturing niyang mga personal na pag-atake laban sa kanya.

“Makikita natin ito sa pag-atake sa confidential funds, pagpapalaganap ng video sa Commonwealth traffic, paggawa ng isyu sa pagtatag ng security para sa opisina ng Bise Presidente, paglabas ng testigo na umanoy ako ay kaparte ng Davao Death Squad, sa malisyosong ulat tungkol sa aking mga baril, at ang pambabastos sa relasyon namin ng aking asawa,” aniya pa.

“Kamakailan lamang ay nagsusulong din ang mga online scam sa pera sa social media katulad ng scholarship o pabaon program para sa mga mag-aaral,” dagdag pa ng pangalawang pangulo.

Sinabi niya na ang lahat ng ito ay ginawa upang ang publiko ay mawalan ng tiwala sa kanya bilang isang public servant.

“Sinisiraan ako para pagdudahan, pahiyain, at panghinaan ng loob. Nais nilang isuko ko ang aking sinumpaang tungkulin na magsilbi sa bayan,” aniya pa.

“Ayaw nilang magtagumpay tayo para sa edukasyon ng mga batang Pilipino at para sa kanilang kinabukasan na nanganganib sa kamay ng korapsyon, kriminalidad, iligal na droga, at terorismo,” dagdag pa ni Duterte.

Pinasalamatan ni Duterte ang kanyang mga tagasuporta sa kanilang tiwala at panalangin.

“Tandaan po natin ang mga paninirang ito ay nagkukubli ng mga personal at politikal na interes. At ang mga ito ay hindi ninyo interes, hindi interes ng bayan, hindi ito interes ng Pilipinas.” Santi Celario

Previous articleP48M combined lotto jackpots ‘di napanalunan
Next articleAlamin: Saradong daan sa Maynila sa Women’s Month clean-up drive