Home HOME BANNER STORY VP Sara pumayag na buksan BIR tax records sa executive session

VP Sara pumayag na buksan BIR tax records sa executive session

1
0

MANILA, Philippines– Pumayag ang kampo ni Vice President Sara Duterte na buksan ang selyadong kahon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na naglalaman ng kanyang tax records at ng kanyang asawa, sa kundisyong isasagawa ito sa isang executive session.

Nasa kustodiya na ng Senate impeachment court ang naturang kahon na pinaniniwalaang naglalaman ng income tax returns nina Duterte, ng kanyang asawang si Manases Carpio, at ng kanilang mga negosyo na maaaring gamitin bilang ebidensya sa impeachment trial.

Sa pre-trial conference, una munang tumutol ang depensa sa pagbubukas at pagmamarka sa mga dokumento bilang ebidensya, ngunit kalaunan ay pumayag basta’t isagawa ito sa executive session at manatiling hindi isinasapubliko ang mga dokumento.

“They changed their stance, ‘Okay, we are agreeing now. Pwede na nating buksan ‘yan. But again, conditions are executive session and dapat hindi isapubliko itong mga dokumento na ito,” ayon kay House impeachment legal spokesperson at private prosecutor Benjamin Tolosa Jr.

Tutol naman dito si House impeachment prosecutor at ML Party-list Rep. Leila de Lima at iginiit na hindi kailangan ang executive session.

“Hindi naman kailangan ng executive session. Bakit kailangan pa ng executive session? Ayun lang naman ang gagawin muna, saka na lang pagtalunan yung tungkol doon sa mga sinasabi nilang hindi pwede dahil mayroong confidentiality provisions. But it is our right, at this point, the prosecution to mark those exhibits dahil kasama ‘yan sa listahan ng aming mga evidence,” aniya.

Samantala, inanunsyo ng House prosecution panel ang ikalawang batch ng private prosecutors na kinabibilangan nina Theodore Te, Mae Divinagracia, Arnold Labay, at Reynaldo Robles. Itinalaga rin si dating mambabatas Ace Barbers bilang impeachment adviser at spokesperson.

Itinanggi naman ni House impeachment prosecutor at Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno ang mga pahayag na hindi handa ang prosecution dahil sa pagdaragdag ng mga abogado.

“So, sa mga magsasabi na hindi handa ang prosecution kaya napakarami ng kinukuha nilang mga abogado. Hindi po totoo ‘yun. Talagang nagkakaiba lang ang trabaho ng prosecution sa trabaho ng defense,” ani Diokno.

Naipadala na rin ng Senate impeachment court sa prosecution at defense ang pre-trial order, at binigyan ang magkabilang panig hanggang Huwebes, Hulyo 2, upang magsumite ng kanilang tugon. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here