MANILA, Philippines- Naniniwala si Vice President Sara Duterte na hindi haharapin at papansinin ng Kamara ang posibleng impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa parehong paraang hinawakan ng mga ito ang reklamo laban sa kanya.
Sa isang ambush interview sa Digos City, sinabi ni VP Sara na wala siyang ideya na si dating National Youth Commission chairperson Ronald Cardema at asawa nitong si Marie ay may planong maghain ng impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos, may kinalaman sa pag-aresto at pagditine kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) detention center dahil sa kasong crimes against humanity na isinampa laban sa kanya.
Sinabi pa ni VP Sara na hindi pa niya nababasa ang Articles of Impeachment laban kay Pangulong Marcos.
Sa ulat, nabigo ang mag-asawang Cardema na ihain ang reklamo sa Tanggapan ng House Secretary General Reginald Velasco dahil sarado ito, araw ng Huwebes, Mayo 8.
Dahil dito, ipinost ni Cardema ang paghahain ng reklamo sa social media, kung saan sinabi niya na ang Duterte Youth Partylist ang magsisilbing endorser.
Sa kabilang dako, inihayag ni VP Sara na hindi niya aasahan na seryosong kikilos ang Kongreso sa nasabing reklamo.
“Well, we don’t expect that the House of Representatives will take it seriously because most of the members of the House of Representatives are allies of the President,” ang sinabi ni VP Sara.
“And an impeachment is a political exercise. It’s a game of numbers. So, I don’t expect anything to happen to that impeachment complaint,” dagdag na wika nito.
Samantala, ito ang unang impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos. Kris Jose