Home NATIONWIDE Prosekusyon sa kaso ni FPRRD pinakokomento ng ICC sa ‘jurisdiction issue’

Prosekusyon sa kaso ni FPRRD pinakokomento ng ICC sa ‘jurisdiction issue’

MANILA, Philippines- Iniutos ng Pre-Trial Chamber I ng International Criminal Court (ICC) sa prosekusyon na sagutin ang defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na humahamon sa hurisdiksyon ng ICC sa kanyang kaso.

Sa apat na pahinang dokumento, inatasan ng Chamber ang prosecution na magsumite ng “written observations on the challenge” bago mag-June 9, 2025.

Ipinag-utos rin ng Pre-Trial Chamber sa Victims Participation and Reparations Section (VPRS) na bigyan ang OPCV (Office of Public Counsel for Victims) ng mga kailangang dokumento hinggil sa mga umano’y biktima sa kaso na nakipag-ugnayan na sa korte.

Binigyan ang prosecution at mga umano’y biktima ng pagkakataon na magsumite ng “observations on the jurisdiction challenge” batay sa Rules 58(2) at (3) ng Rules of Procedure and Evidence.

Kailangang katawanin ng OPCV ang kapakanan ng mga biktima na nakipag-ugnayan na sa korte hinggil sa kaso.

Una nang nagsumite ng dokumento ang defense team ni Duterte na pinangunahan nina Nicholas Kaufman at Dov Jacobs, kung saan kinukuwestiyon nila ang legal na basehan ng pagdinig laban sa dating Pangulo kaugnay sa kasong crimes against humanity.

“The defense reiterates that the preconditions for the exercise of jurisdiction under Article 12 in the Situation of the Philippines were not met at the time the Pre-Trial Chamber authorized the opening of an investigation on September 15, 2021. The Republic of the Philippines was no longer a State Party to the Rome Statute at that critical point in time,” iginiit ng defense team.

Nanawagan din ang mga abogado na mapalaya na si Duterte at mapawalang-bisa ang kaso.

Ang susunod na pre-trial hearing laban kay Duterte ay itinakda sa Sept. 23. Teresa Tavares