RIZAL- Sinalakay ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pagawaan ng shabu sa isinagawang search warrant operation, noong Biyernes sa Antipolo City.
Bitbit ng mga tauhan ng PDEA Special Enforcement Service (SES) ang search warrant kasama ang mga kasapi ng PDEA Regional Office IV-A Rizal Provincial Office, National Intelligence Coordinating Agency (NICA), at Antipolo City Police Drug Enforcement Units (DEUs), bandang alas-8 ng gabi sa isang bahay sa Village East Executive Homes, Porsche St., Barangay Munting Dilaw, ng naturang lungsod.
Pagpasok ng mga awtoridad sa naturang bahay, wala silang naabutang tao pero tumambad sa kanilang harapan ang mga gamit sa paggawa ng ilegal na droga tulad ng laboratory apparatus, chest freezer, drum, at sako na naglalaman ng mga likido, pulbos, at mga plastik na pakete na pinaglagyan ng pinaniniwalaang shabu.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang ginagawang manhunt operation ng mga awtoridad laban sa operator ng shabu lab na muna pinangalanan para sa gagawing follow-up operation. Mary Anne Sapico