MANILA, Philippines – Nanawagan si Vice President Sara Duterte sa mga Filipino ngayong Undas na alalahanin ang kahalagahan ng mga aral mula sa mga yumaong Santo maging sa kanilang mga mahal sa buhay.
“Maging puso sana ng ating pagdiriwang ng Undas ang kahalagahan ng mga santo sa ating paniniwala at ang pag-alaala natin sa mga pumanaw nating mahal sa buhay,” saad sa pahayag ni Duterte.
“Sa ating mga pagtitipon ay ipagdasal natin ang maluwalhating kapayapaan ng kaluluwa ng mga pumanaw kasabay ng ating pagpapasalamat sa kanilang pagmamahal, gabay, at mga aral na ipinamana nila sa atin,” dagdag pa niya.
Hninimok ni Duterte ang mga Filipino na manalangin sa mga santo upang makatulong na maibsan ang mga pangamba at alalahanin.
“Idulog natin sa kanila ang ating mga pangamba at manalangin tayo na maibsan sana ang bigat ng ating mga pasanin sa buhay,” dagdag pa niya.
Dagdag pa, nanawagan din ito sa mga tao na manalangin para sa kapayapaan at resilience ng bansa sa iba’t ibang mga pagsubok.
“Sama-sama rin nating ipagdasal ang kapayapaan at katatagan ng ating bansa sa harap ng mga hamon ng kasamaan, katiwalian, at mga pansariling interes para sa yaman at kapangyarihan ng ilan,” giit ng Bise Presidente.
Bago nito, nanawagan din si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga Filipino na tingnan ang Undas bilang pagkakataon na maging mas mabuting tao, mas mabuting Filipino, at mabuting tagapangasiwa ng bansa.
Nanawagan din ito sa mga Filipino na sulitin ang oras sa kani-kanilang mga pamilya at bumisita sa mga yumaong mahal sa buhay.
“May this remind us of the values that shall endure through us as a nation: faith, resilience, and hope,” ani Marcos. RNT/JGC