Home NATIONWIDE VP Sara sa mga Pinoy: Katapangan ng war veterans tularan

VP Sara sa mga Pinoy: Katapangan ng war veterans tularan

MANILA, Philippines- Sa paggunita ng Araw ng Kagitingan, nanawagan si Vice President Sara Duterte nitong Martes sa mga Pilipino na isapuso ang mga aral mula sa kasaysayan at tularan ang katapangan at kabayanihan ng war veterans. 

Sa isang video message, sinabi ni Duterte na nilalayon ng Office of the Vice President at ng Department of Education (DepEd) kung saan siya ang kalihim, na ituro sa mga batang Pilipino ang pagpapahalaga sa kasaysayan at sa mga bayaning nagbuwis ng kanilang buhay para sa kalayaan ng Pilipinas.

“Sila ay natatanging halimbawa ng tapang at pagmamahal sa bayan. Ang kanilang hangarin na ipagtanggol ang dangal at integridad ng ating bansa sa panahon ng digmaan ay inspirasyon na dapat nating tularan at alagaan,” pahayag ng Bise Presidente.

“Kaya’t patuloy nating isapuso at tutukan ang mga aral ng ating kasaysayan,” dagdag niya.

Gayundin, sinabi ni Duterte na nakikiisa siya sa bansa sa pagbibigay-pugay sa mga sakripisyo ng Filipino World War II veterans para sa kapakanan ng bansa.

Ginugunita sa Araw ng Kagitingan ang Fall of Bataan, na naganap noong April 9, 1942, upang alalahanin ang libo-libong Pilipinong naglaan ng kanilang buhay para sa kalayaan ng Pilipinas noong World War II. RNT/SA