Home NATIONWIDE VP Sara sa pagbisita kay Teves: I neither confirm nor deny

VP Sara sa pagbisita kay Teves: I neither confirm nor deny

292
0

MANILA, Philippines – NANANATILING tikom ang bibig ni Vice President Sara Duterte sa sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na di umano’y pagbisita niya kay dating Negros Oriental representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. sa jail facility sa Taguig City.

Sa isang panayam sa Davao City, tinanong kasi ang Bise-Presidente kung binisita niya si Teves, di umano’y “utak” sa pagpatay kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo – sa Camp Bagong Diwa.

“Bahala sila kung anong gusto nilang sabihin. Basta ako, ang sinabi ko, hindi ko kilala si Ramil Madriaga,” ayon kay VP Sara.

Sa ulat, ang nakakulong na si dating Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves ang binisita ni Vice President Sara Duterte sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) facility sa Camp Bagong Diwa. Taguig.

Ito ang kinumpirma ni DILG Secretary Jonvic Remulla sa ginawang pagpunta ni VP Sara sa kulungan.

Aniya, hindi totoo na si VP Sara ay nagpunta sa BJMP jail para dalawin si Ramil Madriaga, ang dating aide ni Duterte.

Sinabi ni Remulla na ang pagpunta ni Duterte sa BJMP facility ay nakita sa CCTV camera at ang jail warden dito ay nakaalalay sa buong pagbisita sa kulungan.

At nang tanungin nga si VP Sara kung binisita niya si Teves sa kulungan, sinabi ni VP Sara na “Ang sinasabi ko, wala akong iko-confirm at ide-deny.”

“Kung gusto nila sila ang magsalita, then magsalita sila. Basta ang sinasabi ko, hindi ko kilala si Ramil Madriaga,” aniya pa rin.

Samantala, hindi na nakakausap ni VP Sara si Senator Ronald “Bato” sa gitna ng napaulat na arrest warrant laban sa senadora mula sa International Criminal Court (ICC).

“Hindi kami nagkausap ni Senator Bato ngayong panahon ng Pasko. Ang huling pagkausap namin ay ‘yung araw na nagsabi na merong warrant of arrest para sa kanya,” ang pahayag ni VP Sara.

At sa usapin naman ng pagkamatay ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Maria Catalina Cabral, sinabi ni VP Sara na “I think makakaapekto ito sa mental wellness ng mga undersecretary at mga assistant secretary diyan sa mga opisina ng mga departments… Dahil ‘yung mga kaparte ng anomalya, mag-iisip na sila kung mahuhulog din ba sila sa bangin.”

Tumanggi naman si VP Sara na magbigay ng kanyang komento ukol sa kung may foul play sa pagkamatay ni Cabral.

KUMBINSIDO naman si VP Sara na pagod na ang mga filipino sa di umano’y impeachment plans laban sa kanya.

“Nakakapagod na siya para sa taong bayan, ‘yung impeachment na ‘yan dahil nakikita naman natin na wala talaga ang ebidensya ‘yung kanilang mga reklamo. Totally for threats and harassment lang,” anito. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here