Home HOME BANNER STORY VP Sara sa pagkakadawit sa Oplan Tokhang sa Davao City: Bago ang...

VP Sara sa pagkakadawit sa Oplan Tokhang sa Davao City: Bago ang script na ito

MANILA, Philippines- Itinanggi ni Vice President Sara Duterte nitong Huwebes na may kinalaman siya sa “Oplan Tokhang” sa Davao City noong siya ay alkalde pa ng lungsod, base sa akusasyon ni dating Davao policeman Arturo Lascañas.

Sa isang video message, sinabi ni Duterte na idinadawit ang kanyang pangalan sa isyu upang mapasama sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa extrajudicial killings na iniuugnay sa kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte. 

“Bago ang script na ito. Sa mga taon na nagsilbi ako bilang vice mayor at mayor ng Davao City, ni minsan ay hindi naugnay ang aking pangalan sa isyung ito,” ani Vice President Duterte. 

“Maliban sa tiyempo, malinaw na sadyang pinilit lang na maidugtong ang pangalan ko sa isyung ito para ako maging akusado sa ICC,” dagdag niya.

Hinamon pa ni Vice President Duterte ang mga nagdidiin sa kanyan sa drug war killings na maghain ng murder case laban sa kanya sa Pilipinas.

“Wala na itong debate — sa testigo at mga tao na nakapalikod sa kanya, mag-file kayo ng kasong murder laban sa akin dito sa Pilipinas.” 

Si Lascañas, na nagsalita sa media mula sa hindi tinukoy na lokasyon sa ibang bansa nitong Miyerkules, ay miyembro umano ng orihinal na Davao Death Squad (DDS), na umano’y nagsagawa ng mga pagpatay. Nagsumite siya ng 186-page affidavit sa ICC na naglalaman ng impormasyon sa umano’y mga pagpatay na aniya’y iniutos ni dating Pangulong Duterte at pagkakasangkot ni Sara sa extrajudicial killings sa Davao City.

“Siya nga ang pasimuno nitong Oplan Tokhang nung naka-upo siya as mayor nung 2012 in-appoint nya si Bato Dela Rosa as chief of police ng Davao City,” giit ni Lascañas, na tinutukoy si Senator Ronald dela Rosa. 

Nauna nang sinabi ni Sara Duterte na haharapin lamang niya ang mga akusasyong nagdadawit sa kanya sa Davao Death Squad sa korte sa Pilipinas, at sinabing noon lamang nahalal siya bilang bise presidente nadawit ang kanyang pangalan sa kontrobersyal na grupo.

“Haharapin ko ang anumang akusasyon laban sa akin. But I will only face any charge against me before a Filipino judge—and only before a Filipino court,” giit niya.

Ito rin ang paninindigan ng kanyang ama ukol sa posibilidad na litisin ng ICC.

Saklaw ng ICC probe ang mga pagpatay na naganap noong November 2011 hanggang March 2019, kabilang ang pagpaslang ng Davao Death Squad nang alkalde pa si dating Pangulong Duterte ng Davao City bago naging presidente noong June 2016. RNT/SA

Previous articleRehistradong unconsolidated jeep lang pwede ‘gang Abril 30 – LTO
Next articleChiz and Heart, to renew vows!