MANILA, Philippines- May nakikitang ‘silver lining’ o positibong aspeto sa isang masamang bagay si Vice President Sara Duterte sa gitna ng pagkalat at pag-ikot ng isang video ng umano’y pagkakasangkot ng kanyang kapatid na si Davao City Representative Paolo “Pulong” Duterte sa pananakit sa isang lalaki sa isang local bar.
Para kay VP Sara, ang pagpapalabas ng video ay makatutulong pa sa mga botante “to make an informed decision” sa pagpili ng kandidato sa nalalapit na May 12 national and local elections.
“Actually, para sa akin, okay ito na lumabas siya bago ang eleksyon para ‘yung mga botante, nakakapagdesisyon sila nang maayos kung sino ‘yung pipiliin nila,” ang sinabi ni VP Sara sa isang panayam.
“So, maganda nang lumabas siya ngayon para nakakapagdesisyon ang mga botante sino ba talaga ang pipilin na kandidato. At as I said, ‘yun ‘yung good thing about it. Pero, it’s really a political attack,” dagdag niya.
Matatandaang sinabi ni VP Sara na isang uri ng “political attack” sa kanyang pamilya ang iba’t ibang kasong kriminal na isinampa laban sa kanyang kapatid na si Davao City First District Representative Paolo “Pulong” Z. Duterte kabilang ang human trafficking, attempted murder, grave threats, at physical injuries.
Sinampahan kasi ng reklamo ng isang negosyante si Pulong Duterte kaugnay ng umano’y insidente ng pananakit sa loob ng isang high-end na bar sa Brgy. Obrero noong madaling-araw ng Pebrero 23, 2025.
Sinabi ni VP Sara na nais lamang ng administrasyong Marcos na sirain ang imahe ng mga kaaway nito para pagtakpan ang tunay na usapin sa bansa.
Sa kabila nito, naniniwala naman si VP Sara na walang kinalaman ang mga lokal na kandidato sa Davao City sa nangyayari sa pamilya Duterte.
“Palagay ko walang kinalaman ‘yung mga candidates ni Marcos sa Davao City sa pag-file ng case. This is purely Philippine National Police at CIDG,” giit ni VP Sara.
“Ang nagko-control ng mga candidates ni Pangulong Marcos doon sa Davao City ay hindi naman sila eh… sila ‘yung kino-control ng national at… isa ‘yun sa mga strategy ng national na pabagsakin ‘yung pamilya namin,” patuloy niya. Kris Jose