MANILA, Philippines – Posibleng kuwestiyunin ng kampo ni Vice President Sara Duterte sa Supreme Court ang desisyon ng Senate impeachment court na ibaba ang voting threshold na kailangan upang ma-convict siya sa impeachment trial.
Sinabi ni defense spokesperson Atty. Michael Poa nitong Miyerkules na pag-uusapan pa nila ni Duterte kung kailan at paano gagamitin ang naturang legal remedy.
“Hindi ko naman ide-deny na ’yung pag-akyat sa Supreme Court is a real possibility. As to when, we will have to discuss the matter with our client,” ani Poa.
Nauna nang bumoto ang Senate impeachment court, 13-1, pabor sa pagbawi sa dating nakapirming 16-vote requirement. Anim na senator-judge ang hindi nakilahok sa botohan. Sa bagong ruling, ibabatay ang two-thirds threshold sa mga senador na legally at factually capable na makilahok sa proceedings kapag oras na ng final judgment.
Iginiit ng defense panel bago ang botohan na dapat manatili sa 16 ang threshold at sinabing walang “supervening event” na nagbibigay-katwiran upang baguhin ang ruling na inilabas noong Hulyo 6.
Gayunman, sinabi ni Poa na iginagalang nila ang naging pasya ng mga senator-judge.
“I don’t want to say anything negative against the court,” aniya, ngunit binigyang-diin na hindi nito inaalis ang karapatan ng Bise Presidente na gamitin ang mga available na legal remedy.
Samantala, nanindigan ang House prosecution na ang pagsama sa mga senator-judge na hindi kayang makilahok sa denominator ay maaaring humantong sa “acquittal by default.” RNT