Home HOME BANNER STORY VP Sara, walang deklarasyon ng cash on hand, deposito sa bangko mula...

VP Sara, walang deklarasyon ng cash on hand, deposito sa bangko mula 2019-2025 – saksi

1
0

MANILA, Philippines – Hindi nagdeklara si Vice President Sara Duterte ng anumang cash on hand at cash in bank mula 2019 hanggang 2025 sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs), ayon sa isang testigo ng impeachment court.

Ganito ang testimonya ni Atty. Karen Batu, Officer-in-Charge ng Records Division ng Office of the Ombudsman, sa impeachment court sa ika-25 araw ng paglilitis kay Duterte nitong Martes.

Bilang opisyal na repository ng SALN ng lahat ng public officials, si Batu ay tinawag upang kumpirmahin ang katotohanan ng SALN ni Duterte mula 2007 hanggang 2025 — mula nang manilbihan ito bilang vice mayor at mayor ng Davao City hanggang sa kanyang kasalukuyang termino bilang bise presidente ng Pilipinas.

Sa direct examination ni Batu bilang ikalawang testigo ng prosekusyon para sa Article II ng impeachment complaint, tinanong ni prosecution counsel Atty. James Bryan Ibrahim Alih si Batu tungkol sa cash declarations ni Duterte.

Isa-isang binanggit ni Batu ang cash declarations ni Duterte bawat taon:

1st term bilang Davao City Vice Mayor
2007: 2,000,000
2008: 2,000,000
2009: 2,800,000

1st term bilang Davao City Mayor
2010: 3,661,622
2011: 3,931,125.80
2012: 4,320,532

2nd term bilang Davao City Mayor
2016: 3,750,760
2017: 6,368,596
2018: 3,795,000

3rd term bilang Davao City Mayor
2019: No declaration
2020: No declaration

Para mapabilis ang pagtatanong, hiniling ni Alih kay Batu na ibuod ang cash declaration ni Duterte sa mga sumunod na taon.

“For SALNs 2021, 2022, 2023, 2024, and 2025, wala pong nakadeclare na cash on hand or in bank,” ani Batu matapos busisiin ang kopya ng SALN ni Duterte sa korte.

Ganoon din ang obserbasyon ni Batu nang una niyang kumpirmahin ang SALN ng bise presidente sa clarificatory hearings ng House committee on justice bilang bahagi ng impeachment proceedings laban kay Duterte noong unang bahagi ng taon.

Doon unang iniharap ang 2007 hanggang 2024 SALNs ni Duterte.

Sa ilalim ng Article II ng impeachment complaint, inaakusahan ng prosekusyon si Duterte na nabigong “fully and truthfully disclose all her and her spouse’s assets, liabilities, and net worth” sa kanyang SALN para sa taong 2022, 2023, at 2024.

Ang naunang testigo ng prosekusyon na si retired Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang, ay nagsabi nitong Lunes na batay sa kanyang pag-unawa sa batas, dapat hiwalay na ilista ang cash declarations sa SALN at hindi isama sa ibang personal properties.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here