Home NATIONWIDE VP Sara walang ideya kung bakit ‘di humingi si Robredo ng patas...

VP Sara walang ideya kung bakit ‘di humingi si Robredo ng patas na badyet

MANILA, Philippines – Walang ideya si Vice President Sara Duterte kung bakit hindi humiling ng mas malaking badyet para sa Office of the Vice President (OVP) ang sinundan niyang si dating Vice President Leni Robredo.

Sa kanyang speech sa House of Representatives committee on appropriations para sa proposed budget ng OVP sa 2025, sinabi ni Duterte na hindi tamang ikumpara ang badyet ng kanyang opisina sa badyet ni Robredo.

“I shall now address issues that are germane to the use of public funds. It is my belief that it would be a stretch, if not absurd, to compare the budget of my immediate predecessor to the present budget proposal,” pahayag ni Duterte nitong Martes, Agosto 27.

“We do not have personal knowledge as to why she did not request for a fair budget for her projects,” dagdag pa niya.

Sa ilalim ng 2025 National Expenditures Program (NEP), humihirit ang OVP ng P2.037 billion alokasyon, mas mataas sa 2024 NEP na P1.885 billion, at bahagyang mababa sa P2.259 billion noong 2023.

Sa kabilang banda, ang badyet ng OVP sa ilalim ni Robredo na binuo sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ay binawasan pa ng binawasan kaya hindi umabot ng P1 bilyon.

Ayon sa Department of Budget and Management – Budget of Expenditures and Sources of Financing para sa fiscal year 2023, ang OVP sa ilalim ni Robredo ay may actual budget na P945.4 milyon.

Tinapyasan ito at nagging P713.4 milyon na lamang sa ilalim ng 2022 NEP.

Matatandaan na ilang beses sinabi ni Robredo na ang maliit na badyet ng kanyang opisina ay hindi dahilan para hindi niya magawa ang kanyang mandato.

Sa panahon ng COVID-19 pandemic, nakipag-ugnayan si Robredo at ang OVP sa pribadong sector para maghatid ng mga serbisyo gaya ng libreng sakay sa mga frontline workers, pagkain, quarantine facilities, mobile testing centers, at telemedicine platform.

May mga panahon na umaasa pa rin sana si Robredo na maibabalik ang mga tinapyas na badyet sa kanyang opisina. RNT/JGC