MANILA, Philippines – Itinutulak ng Commission on Elections (Comelec) na payagang bumoto ang “vulnerable sectors” isang linggo bago ang araw ng halalan upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan at kaginhawahan.
Ginawa ni Comelec chairperson George Garcia ang pahayag sa Kapihan sa Manila Bay forum nitong Miyerkules, Setyembre 30 kung saan ang magiging setup aniya ay magiging katulad ng absentee voting na ibinibigay sa mga security personnel, media worker at iba pang magsisilbi sa panahon ng halalan.
Kabilang sa mga sektor na itinuring na mahina ay ang mga senior citizen, buntis, at mga taong may kapansanan.
Sa kasalukuyan, ang Comelec ay nagpapatupad ng early voting hours para sa vulnerable sector.
Ayon sa poll body, 74 milyong rehistradong botante ang inaasahang bumoto sa 2028 National at Local Elections.
Sa Nobyembre 2028, sinabi ni Garcia na may karagdagang isang milyong botante ang inaasahang bumoto para sa 2028 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Sinabi ng Comelec na binuksan nito ang voter registration mula Nobyembre 2026 hanggang Hulyo 30, 2027.
Samantala, ang paghahain ng kandidatura para sa 2028 national at local elections ay mula Setyembre 20-26, 2027. Jocelyn Tabangcura Domenden