Home OPINION WAEPEK SI NAZARENO SA MGA POLITIKO

WAEPEK SI NAZARENO SA MGA POLITIKO

KATULAD ng dati, marami ang lumitaw na politikong nagsasabing alagad sila ni Poong Nazareno na pangunahing patron ng Quiapo Church sa Manila sa mga araw na ito.

Kasama sila sa mga humahalik kay Nazareno, may-ari ng imahe mismo ni Nazareno, nagsisimba at tumatapos ng 9-araw nobena at iba pa.

Kasama rin sila sa traslacion o taunang ritual na paglalakad mula sa labas ng nasabing simbahan, karaniwan sa Rizal Park, ni Nazareno na nakasakay sa karwahe, umikot sa ilang kalsada sa Maynila at papasok sa Quiapo Church sa kalaunan.

IPINAGNONOBENA O IPINAGDADARASAL

Marami sa mga politiko ang pami-pamilya sa pagnonobena o pagdarasal.

May mga namataang nakaupong mayor, gobernador, senador at iba pa.

Kasama naman nila ang kanilang mga pamilya na ang misis o mister ay kandidatong vice mayor, vice governor, senador at iba pa.

May namataan ding walang inilaang kahit sentimo sa badyet ng PhilHealth ngayong taon bagama’t may mga kumontra rin sa zero budget.

Mayroon ding nakipag-away laban sa AKAP ngunit nagsiper ang bibig nang paghatian na ng mga kongresman at senador ang P26 bilyon para rito.

Mayroon ding nakitang sumuporta sa pagsibak sa P10 bilyong pondo para sa computerisasyon program ng mga mag-aaral.

At mayroon ding nakitang tagapagtaguyod ng trilyong pisong badyet para sa public works.

Ayon sa mga nag-aaral sa pambansang badyet, dahil halalan na sa darating na Mayo 2024, malaking tipak umano ng badyet na ito ang sinadyang ilaan sa mga proyektong pambingwit ng boto.

Sa gitna ng lahat ng ito, ano-ano kaya ang mga ipinagnobena o ipinagdarasal kay Poong Nazareno ng mga politiko?

MANALO AT HINDI MATALO SA HALALAN

Obyus namang kabilang sa mga ipinagdarasal ng mga politiko ang kanilang panalo sa mga pwestong kanilang tinatakbuhan sa halalan.

Alangan namang ipagdasal nila ang kanilang pagkatalo at panalo ng kanilang mga kalaban.

Ang mga nakaupo naman, siyempre pa, ang pananatili nila sa pwesto at kakayahang sumuporta sa kanilang mga kaanak na kandidato.

Maaari ring ipinagdarasal nila ang paglimot ng mga botante sa paggawad nila ng zero budget sa PhilHealth, pagsibak sa school computerization program, hatian sa AKAP, pinaniniwalaang korapsyon sa mga pagawaing bayan at iba pa.

Ipinagdarasal din nila na higit na paniwalaan ng mga botante ang paniniwalang totoo silang lingkod bayan at hindi nagpapayaman sa pwesto higit sa lahat.

Lahat para sa panalo nila sa halalan.

PROBLEMA SI NAZARENO

Habang nagnonobena o nagdarasal ang mga politiko para sa mga higit na pansarili nilang interes kaysa sa interes ng taumbayan, may dinastiya man sila o wala, nakikinig naman kaya si Nazareno at basbasan ang mga debotong politiko na ito na kandidato ngayong halalan?

Hehehe. Tiyak, si Poong Nazareno o espiritu lang nito ang nakaaalam.

Isa pa, dapat din umanong magnobena o magdasal ang mga politiko sa mismong mga botante…kung mamomroblema sila kay Nazareno.

Kapag ginawa ang mga ito ng mga politiko, suswertihin kaya sila sa halalang Mayo 2025?