Home OPINION ‘WAG PAABUTIN SA DAHAS

‘WAG PAABUTIN SA DAHAS

KALIWA’T kanang protesta ang nasaksihan nating isinagawa sa ilang lugar sa bansa, partikular sa Davao City kasunod nang pag-aresto ng International Criminal Court nitong Marso 11 kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ay kaugnay ng umano’y extra-judicial killings o EJKs sa ‘war on drugs’ ni Duterte noong mayor pa siya ng Davao at maging Presidente noong 2016 hanggang 2022.

Mula nang arestuhin sa airport si Duterte sa NAIA matapos manggaling sa Hong Kong, agad siyang ibiniyahe kinagabihan patungong The Hague, Netherlands upang harapin ang kasong crimes against humanity.

Galit na galit ang mga tagasuporta ng dating Pangulo at nananawagan sila na ibalik na sa Pilipinas ang kanilang ‘Tatay Digong’.

Anila, walang kasalanan si Duterte at ginawa lamang nito ang nararapat para sa bayan upang puksain ang droga. Kaya naman lumabas ang mga ito sa mga lansangan para magprotesta.

Pero si dating PNP chief at former Senator Panfilo “Ping” Lacson ay nanawagan sa magkabilang panig, mga pro-Duterte at mga kontra rito, na manatiling kalmado.

Huwag aniyang magpalaganap ng mga kaguluhan sa kanilang mga protesta na nakasasakit sa iba.

“Huwag na sanang daanin sa dahas. Mag-express na lang tayo, hindi naman nakakasakit sa katawan ang pananalita na masasakit. Of course, may boundaries din yan. Pero sana huwag magkasakitan sa pisikal, huwag umabot sa ‘violence’, huwag magkakaroon ng paglabag sa batas at pag-commit ng criminal offenses, huwag na sanang umabot sa ganoon,” ayon kay Lacson na muling kumakandidatong senador sa ilalim ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas nang mainterbyu siya ng isang telebisyon.

Ayon sa mga supporter ni Tatay Digong, hindi sila papayag na makulong o managot si Duterte dahil wala itong ginawang mali. Nanawagan sila nang tuloy-tuloy na pagkilos hanggang sa maibalik sa Pilipinas ang dating lider.

Diin naman ni Lacson, dapat maging mapayapa ang mga nagpoprotesta.

Para kay Lacson, nakasalalay ang maximum tolerance sa freedom of expression and assembly. Kung magkaroon aniya ng kaguluhan at may batas na nilabag sa gitna ng paghahayag ng sentimyento ay may hangganan ang maximum tolerance.

Pangangalagaan din syempre ng ‘security forces’ ang mga mapeperwisyo nating kababayan at ang estado mismo.

Balansyado dapat pero ang talagang prevailing na standard procedure is exercise maximum tolerance.

Tama naman si Senator Ping sa punto niyang ito. Kaya ika nga, kalmahan lang natin!