
LAHAT ng nasa United States, dayuhan, kasama ang mga Pinoy, at mga Kano mismo, nararamdaman nila ang nagsisimula umanong resesyon doon.
Sa resesyon, mga Bro, marami ang nawawalan ng trabaho at bumaba ang kita.
Isa mga pangunahing dahilan ang pagpapairal ng America First (AF) at Make America Great Again (MAGA) ni Pangulong Donald Trump.
Buod ng mga programang nabanggit ang kagustuhan ng US na siya ang pinakamakapangyarihan sa mundo sa usaping pampulitika at pang-ekonomiya.
Isa mga anyo ng programa ang pagsibak ng tulong-Amerika gaya ng pondo para US Agency for International Development.
Gusto ng US na isama ang $40 bilyon sa $1 trilyon ngayong 2025 na titipirin at dapat na pang-Kano lang ang USAID.
TARIPA AT WALANG KAALYA-ALYADO O KAA-KAAWAY
Isa ring anyo AF at MAGA ang taripa o pagharang ng US sa negosyo mo kung itinuturing kang kaaway o karibal sa negosyo at kapangyarihan gaya ng nangyayari sa pagitan ng US at China.
Nagpataw ang US ng 20% taripa o buwis sa importasyon mula China at sakop nito ang electric vehicle at solar panel at solar light, electrical at electronic equipment, makina, nuclear reactor, boiler, plastic, laruan, pang-sports at iba pa.
Nasa 15% namang taripa ang ipinatong ng China sa mga produktong Kano gaya ng bakal, sasakyan, langis, uling, manok, arina, mais, soybeans, oil seeds, sorghum, baboy, baka, lamang dagat, prutas, gatas at keso.
Umiiral na rin ang 25% taripa ng US sa Mexico at Canada kahit kaalyado niya ang mga ito.
Kasama sa mga ganti ng Canada ang pagpatong ng 25% sa presyo ng kuryente at langis na binibili ng US sa kanila.
Ang Mexico, nagpataw rin ng 25% sa presyo ng mga binibili ng US na sasakyan, electrical machinery, nuclear reactor at iba pa.
Kapag pinagsama-sama ang lahat na may 15-25% taripa o patong sa presyo, anak ng tokwa, nagmamahal lahat ang bilihin sa US.
Marami ring titigil o manghihinang negosyong Kano dahil sa mahal nilang gastusin sa mga imported nilang gamit sa produksyon at pagbebenta ng imported products sa loob ng US.
Resulta: Maraming mawalan o panghinaan ng empleyo at kita at resesyon ang tawag diyan.
KULELAT SA TURISMO
Ipinagmamalaki ng ating gobyerno na napakalaki ang iniunlad ng turismo sa Pinas simula noong umupo si Pangulong Bongbong Marcos.
‘Yun bang === dahil sa pagdami ng mga turistang dayuhan, mula 5,450,557 dayuhang turista, kasama ang mga Fil-Am, sa 5,949,350, lumaki rin ang kita ng bansa mula P697.46B noong 2023 sa P760B nitong 2024.
Nakalulungkot nga lang malaman na kulelat tayo sa iba gaya ng China na may 132M dayuhang turista nitong 2024, Japan – 37M, Thailand -35M, Malaysia – 24M, Vietnam 18M, South Korea – 16.4M, Indonesia – 12.6M at Singapore – 16.5M.
Number 2 ang mga Amerikano sa pinakamalaking bilang ng mga turista sa Pinas.
Dahil sa resesyon, hindi kaya malaki ang ibabawas ngayong 2025 ng mga Kano at Fi-Am na bibisita sa Pinas dahil marami na ang nagkakansel ng kanilang panturistang biyahe sa humihirap nilang kalagayan?