TILA kinalimutan na ng lahat ng nakararaming senador at kongresman ang nasa P1.7 trilyong kikbakan sa flood control projects sa kabila ng pagkakaroon ng Kongreso ng sapat na panahon para imbestigahan ito.
May sapat na panahon dahil sa hapon lamang mula Lunes hanggang Miyerkules ang iskedyul ng paglilitis sa kasong impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Ang umaga at iba pang mga araw na may sesyon ay mula sa Lunes at karaniwang hanggang buong araw ng Huwebes kaya pupwede sanang maisingit ito.
Napakahalagang mapag-usapan ang imbestigasyon sa iskandalo flood control projects dahil napakalaking halaga ng salaping bayan ang sangkot dito na binubuo ng mga buwis, kontribusyon ng mga mamamayan sa PhilHealth, Philippine Deposit Insurance Corporation at inuutang ng pamahalaan sa loob at labas ng bansa.
Ang male-maletang kikbakan dito ang nagiging dahilan upang hindi mapigilan ang panganib sa buhay at ari-arian ng mga mamamayan sa mga baha at landslide na bunga ng mga ghost at marurupok na flood control project, panganib sa kalusugan ng mga mamamayan pagkawala ng nasa P140 bilyong pondo ng PhilHealth sa 2024 at 2025, at pagkabalam ng malalaking infra project gaya ng North and South Railways at Metro Manila Subway Project mula 2028 hanggang 2032 na nagbunga ng multa at interes sa puhunang utang, pagmahal ng materyales at gastusin sa right of way na nagkakahalaga ng P300 bilyon.
Naiisip natin, sinasadya ba ito dahil sangkot ang ilang taga-Palasyo, maraming kongresman at ilang senador?
Ito ba ang isa sa mga pangunahing dahilan kung lumubog sa negative 13 at 15 ang grado mismo ni Pangulong Bongbong Marcos sa pamamahala sa bayan at damay na rin ang ibang mga opisyal, lalo na ang mga pinangangalanang sangkot sa kikbakan?
Maghunos-dili sana ang lahat ng nagtatakip sa nakawan o kikbakan dito.






