SA dami ng mga nanonood ng impeachment trial, parang naging uso na ang paghusga batay sa ilang segundong video clip sa social media. Kapag maraming MANIFESTATION ang isang abogado, may nagsasabing “malakas ang kaso.” Kapag maraming OBJECTION, may nagsasabing “natatakot ang depensa.” Parehong maling pananaw.
Ang MANIFESTATION ay simpleng PAGBIBIGAY-ALAM lamang sa impeachment court. HINDI ITO EBIDENSYA. Hindi ito nagpapatunay na tama o mali ang isang panig. Kahit umabot pa sa sandaang manifestation ang isang abogado, wala pa rin itong halaga kung walang matibay na ebidensyang sumusuporta sa kanyang posisyon. Kaya kahit paulit-ulit itong mapanood sa social media, hindi ito ang pagbabatayan ng magiging hatol.
Ganoon din ang OBJECTION. Hindi ito taktika para itago ang katotohanan, kundi bahagi ng proseso upang matiyak na ang mga tanong ay naaayon sa itinakdang mga alituntunin. Kapag OVERRULED ang objection, tuloy ang tanong at maaaring sumagot ang witness. Kapag SUSTAINED, hindi maaaring itanong o sagutin ang naturang tanong. Kaya kung ang depensa ang tumututol ngayon, asahan ding sa susunod ay ang prosekusyon naman ang mag-o-object sa tanong ng depensa. Walang dapat ikagulat doon dahil normal itong nangyayari sa isang paglilitis.
Ang problema, mas pinipili ng ilan ang drama kaysa proseso. Mas madaling mag-viral ang isang mainit na palitan ng abogado kaysa sa mahabang pagtalakay sa tunay na ebidensya. Kaya ang mga hindi sumusubaybay sa kabuuan ng pagdinig ay madaling nakabubuo ng konklusyon batay lamang sa putol-putol na eksena.
Hindi rin maikaiila na bukod sa impeachment court, may isa pang “hukuman” na tila parehong kinakausap ng magkabilang panig—ang COURT OF PUBLIC OPINION. Bawat manifestation, objection, at pahayag ay may layuning ipaliwanag ang kanilang panig hindi lamang sa senator-judges kundi maging sa sambayanan. Sa pulitika, mahalaga ang “perception”. Ngunit sa batas, hindi sapat ang palakpakan, trending hashtags, o dami ng views.
Hindi manifestation ang magpababagsak o magliligtas sa sinoman. Hindi objection ang magdedesisyon ng kaso. Ang dapat manaig ay ang EBIDENSYANG tinanggap ng impeachment court at ang tamang aplikasyon ng batas.
Kung gusto nating igalang ang proseso, huwag nating gawing sukatan ng katotohanan ang pinakamalakas na sigawan sa social media. Sa isang paglilitis, ang ingay ay pansamantala lamang. Ang ebidensya ang dapat manatiling pinakamalakas na tinig.






