Home NATIONWIDE Wala pang balasahan: Mga miyembro ng gabinete susuriing mabuti ni PBBM

Wala pang balasahan: Mga miyembro ng gabinete susuriing mabuti ni PBBM

MANILA, Philippines – SUSURIING mabuti ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga miyembro ng kanyang gabinete sa gitna ng kumakalat na tsismis na may nakaambang na malawakang balasahan sa gabinete ng Chief Executive.

“Every time kailangan namang mag-evaluate ng Pangulo eh kung ang kaniyang secretaries, Cabinet members are doing well for the government, for the people,” ang snabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.

“Pero as of now, wala pa po talaga,” dagdag na wika nito.

Sinagot naman ni Castro ang espekulasyon na magbibitiw na sa puwesto sina Presidential Security Command (PSC) Maj. Gen. Jesus Nelson Morales at Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan John Uy.

Binigyang diin ni Castro na hanggang ngayon ay wala pa namang personal na pagbabago.

Sa kabilang dako, posibleng magkaroon din ng potensiyal na pagbabago sa PCO sa ilalim ng liderato ni Secretary Jay Ruiz, na kamakailan lamang ay nanumpa para sa kanyang bagong tungkulin sa harap mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Kinumpirma ni Castro na maging si Ruiz ay nagpahiwatig na may pagbabagong magaganap sa Palace media office.

“Sinabi niya po talaga na magkakaroon ng pagbabago at maaaring may ma-retain, maaaring may mawala. So, hintayin po natin kung ano iyong magiging order ni Secretary Jay Ruiz,” ang pahayag ni Castro. Kris Jose