MANILA, Philippines – Nilinaw ng Department of Health (DOH) nitong Lunes, Sept.16 na hindi pa inaaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang anumang bakuna sa mpox sa bansa.
Ginawa ni Health Secretary Ted Herbosa ang paglilinaw matapos malaman ng DOH na isang establisyimento ang nagsasabing nabakunahan na ang lahat ng kanilang mga mangaggawa laban sa mpox virus.
Ayon kay Herbosa, ito aniya ay nai-post sa social media.
Sinabi ni Herbosa, sakaling may nakuha silang bakuna ay hindi ito rehistrado sa FDA .
Binigyang-diin din ng helath secretary na galing man sa pribado o pampublikong pagkukunan, ito ay dapat pa ring nakarehistro sa FDA ng Pilipinas. Kapag hindi rehistrado , ito aniya ay maikokonsiderang kontrabado.
Kanila rin aniyang paiimbestigahan ang naturang social media post.
Plano rin ng DOH na humingi ng tulong sa Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) para sa posibleng paghahain ng kaso laban sa establisyimento na nagpo-promote sa paggamit ng kontrabandong bakuna.
Idinagdag pa ni Herbosa na maari ding kumpiskahin ng FDA ang illegal na mpox vaccine.
Binanggit din ng kalihim ng kalusugan na, sa kasunduan ng World Health Organization (WHO) , ang mpox vaccines ay dapat unahin para sa mga lugar na nakakaranas ng outbreaks dahil sa limitadong suplay sa pandaigdigan.
Nitong Sept.16, inihayag din ng DOH na nadagdagan pa ang kaso ng mpox sa bansa na nagdala sa kabuuang 18.
Ang mga kaso ay mula sa National; xapital Region (NCR), Calabarzon, at Cagayan Valley. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)