SA mga pamilya na may kasamang centenarians o nakatatanda na umabot na sa 100 years old, kinakailangan ninyong magsumite ng kompletong dokumento para makuha ang Php 100,000 cash gift alinsunod sa Republic Act No. 10868, muling iginiit ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Pangunahing kailangang isumite ang birth certificate o passport. Kung walang birth certificate dahil sa epekto ng World War II, kinakailangang magsumite ng affidavits mula sa disinterested persons.
Maaari rin ang marriage certificate o ang birth certificate ng mga anak ng centenarian basta malinaw na nakalagay ang petsa ng kapanganakan ng centenarian.
Tinatanggap na rin ng DSWD ang baptismal o confirmation certificates, maging ang school record, at employment record kung wala ang mga pangunahing documentary requirements basta nakatala ang kapanganakan ng centenarian.
Kung wala ang pangunahing dokumento, maaaring ring magsumite ng dalawang valid identification cards (IDs) mula sa Government Service Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS), Professional Regulations Commission (PRC), at Commission on Elections Voter’s ID.
Isusumite ang nasabing dokumento sa nakasasakop na city o municipal social welfare office o sa Office of the Senior Citizens Affairs.
Sa kaso ng mga namayapa nang centenarian, ipagkakaloob pa rin ang cash gift sa pinakamalapit na kaanak nito. Paglilinaw ng kagawaran, ito ay para sa mga umabot ng 100 years old o sa mga hindi pa natatanggap ang kanilang pribilehiyo bago sila sumakabilang buhay.
DSWD ang nagpoproseso ng para sa centenarians sa kasalukuyan, pero kanila na rin itong ililipat sa National Commission of Senior Citizens sa susunod na taon kasama ng implementasyon ng Expanded Centenarian Act o ang R.A. No. 11982 na magkakaloob ng insentibo sa mga nakatatanda na nasa edad 80, 85, 90 at 95 ng halagang Php 10,000. Patuloy pa ring binabalangkas ang implementing rules and regulations ng bagong batas.
Magkakaloob din ng ‘letter of felicitation” ang Pangulo ng bansa.