Home NATIONWIDE Wala pang kaso ng ‘walking pneumonia’ sa bansa – DOH

Wala pang kaso ng ‘walking pneumonia’ sa bansa – DOH

MANILA, Philippines – Wala pang naitalang kaso ng tinatawag na “walking pneumonia” sa Pilipinas kung saan marami ang nahahawaan sa China at iba pang bansa, sinabi ng Department of Health (DOH).

Ang nakahahawang sakit ay sanhi ng pathogen mycoplasma pneumonia.

Ilang bansa kabilang ang China ang nakapag-ulat ng pagtaas ng kaso ng sakit lalo na sa mga bata.

Ipinaliwanag ni DOH Undersecretary Eric Tayag, na nakapagtala ng naturang sakit noon ngunit agad na nagbibigay ngayon ang mga doktor ng antibiotics sa pinghihinalaang pasyente sa sandaling matukoy ang sintomas ng sakit.

Sinabi ng DOH na may pagbagal na sa bilang ng influenza-like cases sa bansa.

Ang pinakahuling datos ay ipinapakita na 182,721 pasyente ang nahawaan hanggang noong Nobyembre 11, karamihan ay mga kaso ng Influenza A at B, at COVID-19.

Ayon Kay Tayag, may mga clustering lamang ng mga kaso at walang outbreak ng hawaan ang iniulat sa anumang rehiyon.

Upang maiwasan ang pagkalat ng sakit, pinayuhan ni Tayag ang publiko na sundin ang minimum health standards tulad ng paghuhugas ng kamay, social distancing, pagsusuot ng mask lalo na sa mga vulnerable at sa may ubo at sipon, at magpabakuna.

Una nang pinawi ng DOH ang pangamba ng publiko kasunod ng ulat ng China na dumami pa ang mycoplasma pneumonia sa nasabing bansa lalo na sa mga bata.

Ayon sa ahensya, walang ebidensya ng novel pathogens o bagong infectious diseases sa Pilipinas. Jocelyn Tabangcura-Domenden