Home NATIONWIDE Muslim, Kristiyano balak pagsabungin ng nagpasabog sa Marawi – solon

Muslim, Kristiyano balak pagsabungin ng nagpasabog sa Marawi – solon

MANILA, Philippines – Nais ng organisasyon na nasa likod ng pambobomba sa isang misa na idinaraos sa gynasium sa Mindanao State University sa Marawi City nitong Linggo na gumawa ng hidwaan sa pagitan ng mga Muslim at Kristiyano, sinabi ng isang mambabatas nitong Lunes, Disyembre 4.

“The intention really of this radical organization and extremism is to sow division and disunity among peoples especially in Marawi City where there is a thriving and healthy relationship between Muslims and Christians,” pahayag ni Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong sa panayam ng CNN Philippines.

Aniya, layunin ng mga sangkot dito na pagmukhain itong isang “religious war” kahit na ito ay maituturing talaga bilang isang criminal at terroristic act.

Kapareho umano ito ng pambobomba sa Jolo Cathedral noong 2019 na kumitil sa buhay ng 20 katao.

Nauna nang sinabi ng ISIS na sila ang nasa likod ng pagpapasabog sa Dimaporo Gymnasium sa Mindanao State University na kumitil sa buhay ng apat katao at ikinasugat ng nasa 40 indibidwal.

Sa isang communique, sinabi kasi ng ISIS na ang mga fighter nito ay nagpasabog “on a large gathering of Christian disbelievers in Marawi City,” ayon sa SITE Intelligence Group, isang counterterrorism threat intelligence organization na nagta-track sa online activity ng extremist groups.

Ani Adiong, posible rin na nais ng grupo na gumanti sa serye ng mga operasyon ng militar na isinasagawa sa Mindanao.

“We know how the terrorist organization operates,” dagdag pa niya.

“Their numbers may be dwindling but they are still capable and they are still a threat to our security.”

Naniniwala si Adiong na isinakto ang pag-atake sa selebrasyon ng Mindanao Week of Peace.

Wala ring nakikitang security lapses ang mambabatas dahil wala pa namang kaparehong insidente ang nangyari sa mga idinaraos na religious activities sa naturang gymnasium.

Nitong Linggo ay agad na kinondena ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang insidente at isinisi sa dayuhang terorista.

“I condemn in the strongest possible terms the senseless and most heinous acts perpetrated by foreign terrorists upon the Mindanao State University and Marawi communities early this Sunday morning. Extremists who wield violence against the innocent will always be regarded as enemies to our society,” saad sa pahayag ng Pangulo. RNT/JGC

Previous articleIza, pinagmalaki ang pagiging ‘action star’ ni Baby Deia!
Next articleWala pang kaso ng ‘walking pneumonia’ sa bansa – DOH