
MALAGIM ang pangyayari sa Jet Set night club sa Sto. Domingo, capital ng Dominican Republic nitong nagdaang mga araw.
Basta na lamang bumagsak ang buong bubong ng club habang nagsasaya, nagsasayaw at kumakain ang mahigit 300 katao na nasa loob.
Namatay ang 184 tao at nasa 145 ang nasugatan, kasama ang mga naputulan ng braso, paa at nabulag.
Kasama sa mga namatay si Nelsy Cruz, gobernador ng Monte Cristi province, maraming football player na pang-internasyunal at mga sikat na singer at artista sa nasabing bansa.
May mga dayuhan ding turista na nasawi, kasama ang ilang Amerikano at taga-ibang Latinong bansa.
Sana naman, walang Pinoy na nadamay roon.
50 ANYOS NA GUSALI
Sinasabing nasa 50 anyos na ang gusali at sinasabing dalawang beses na umanong ni-repair, noong 2012 at 2015, makaraang hambalusin ng kidlat.
Wala pang nakaaalam kung ano talaga ang dahilan ng pagbagsak ng bubong.
Basta ginagamit ito ng lahat, kasama ang mga dayuhang turista na pumupunta sa lugar.
Dinarayo ang lugar dahil sa merengue party na isinasagawa tuwing araw ng Lunes sa kanila.
Sikat ang merengue party dahil dito idinaraos ang pagsasayaw na pinaghalo-halo na tango, dirty dancing, chacha at sports dance.
Ang lakas ba ng sound system o hiyawan ng mga tao habang may kumakanta ang nagpabagsak sa bubong?
Parang imposible.
Pwede pa kung ang tunog ay galing sa malakas na bomba, ngunit walang nambomba sa bubong.
Wala ring naganap na lindol sa lugar upang mayanig ito nang todo at bibigay ang parteng iyon ng gusali.
LUMA AT MARUPOK
Para sa atin, mga Bro, ang pagiging luma at pag-abot ng 50 taon ng gusali marahil ang isang malaking dahilan.
Ayon sa mga kwento ng mga builder, basta umabot na sa 50 taon ang mga bakal na exposed at hindi balot ng semento at hindi man lang tinitiktik-kalawang saka pinipinturahan ng laban sa kalawang ay delikado na.
Marami na ang kinakain ng kalawang at kung hindi mapalitan, nagiging marupok na.
Posibleng isa umano ito na dahilan ng pagbagsak ng bubong.
Lalo pa kung isipin na mabigat din ang mga ginamit na yero at mga nakakabit na kung ano-anong burloloy sa bubong gaya ng mga kandelabra, ceiling fan at iba pa dahil isa nga itong events place.
LEKSYON NA ILAPAT SA PINAS
Mahalaga ang pangyayari bilang pagbabatayan ng isinasagawang mga inspeksyon sa mga gusali ngayon kaugnay ng posibleng pagdating ng lindol na The Big One.
Sinasabi ngayon ng ating mga awtoridad na libo-libo na ang kanilang nainspektson na gusali, sa Metro Manila lang.
Meron bang katulad ng Jet Set club na nainspeksyon?
‘Yun bang === nagkakaedad ng 50 anyos, maraming burloloy na nakakabit at halos walang mga center post na panlaban sa pagbagsak ng bubong?
Ang mga lumang simbahang Katolika at events place na talagang luma na rin, paano?
Sa totoo lang, marami ring ganito na gusali ng pamahalaan.
‘Yang tinatawag na retrofitting na pampatibay ng mga gusali, tulay at iba pa, dapat na gawin.
Sana walang Jet Set club na maganap sa bansa na tiyak na papatay at susugat ng maraming tao, lalo na kung may malakas na lindol.