
HINDI kaya may kakambal na kamalasan itong si House Speaker Martin Romualdez? Ang tawag dito sa kanto ay may “lasma sa gedli”. Hehehe.
Paano ba naman kasi, lahat na yata ng proyektong kanyang isinusulong ay nauuwi sa kontrobersya, at kadalasan ay nauunsyami.
Sabi ng ibang alaskador sa pulitika, kung may Midas touch (lahat ng hawakan ay nagiging ginto), kabaliktaran naman ang kay Speaker Romualdez at ito’y ang Sadim touch (lahat ng hawakan ay nagiging etyas). Har, har, har!
Halimbawa ang isyu ng Charter Change. Isinulong ito ni Speaker sa ngalan ng “pagpapalago ng ekonomiya.” Hindi na ito bago dahil isinulong din ito ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang pagkakaiba lang, may masusing pag-aaral at konsultasyon noon. Sa bersyon ni Romualdez, nauwi ito sa People’s Initiative na sinasabi ng kanyang mga kritiko na ginamitan ng pondo ng gobyerno para sa pamimigay ng pera kapalit ng mga pirma ng mga mamamayan. Umingay tuloy ang mga alegasyon ng pananamantala at manipulasyon.
Hindi rin nakaligtas sa batikos ang isang legislative priority ni Romualdez – ang Maharlika Fund – na mariing tinutulan ng mga business group. Ayon sa kanila, hindi napapanahon at hindi angkop ang ganitong investment vehicle, lalo’t may kinakaharap na fiscal deficit at tumitinding utang ang bansa. Ngunit itinulak pa rin ni Speaker.
Kasunod nito ay ang pagpasa ng 2025 National Budget na may nagsasabi na “pinakakorap sa lahat ng naipasang budget ng lehislatura.” Marami umanong insertions, kabilang na ang pet project ng Speaker na AKAP. Marami ang pumupuna rito dahil tila ginawang instrumento ang social service para sa pansariling interes o pamumulitika.
Ngayon, may tsismis na kinakausap na raw ni Romualdez si ‘Alyansa’ senatorial candidate Tito Sotto para tukurang maging Senate President sa susunod na Kongreso. Hindi ito nakabibigla dahil si Speaker ang pangunahing tagapagsulong sa House ng Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte at gusto niyang maka-tandem dito si Tito Sen sa Senado.
Naisampa na sa Senado ang kaso – na last-minute inaprubahan ng Kamara bago ang adjournment. Isang galaw na tila sinadya para itali ang kamay ng Mataas na Kapulungan at nalagay sa alanganin sa mga senador.
Heto ang tanong. Magpagamit kaya si Tito Sen kay Speaker? May maayos na track record si Tito Sen ngunit maaari itong mabahiran kung papayag siyang “makisayaw” kay Romualdez. Isa na naman itong galaw na posibleng maging kontrobersyal.