Home OPINION PAGBILI NG FIGHTER JETS SA U.S., EX-DEAL?

PAGBILI NG FIGHTER JETS SA U.S., EX-DEAL?

IKINATUWA ng Armed Forces of the Philippines ang pagpayag ng Estados Unidos na magbenta ng F-16 Fighter jets sa Pilipinas at gitna ng tumataas na tension sa pagitan ng ating bansa at China.

Ang bentahan ng fighter jet ay nagkakahalaga ng US$ 5.5 bilyon na posibleng madeliver sa 2026 o 2027. Napakalaking halaga pero kung kailangan talaga bakit nga hindi dapat bilhin.

Pero hindi kaya ang F-16 Fighter Jet na ito ay ang dating inayawan na ni dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil bulok?

Nagalit noon si FPRRD sa US sapagkat bumibili tayo ng eroplanong pandigma subalit bulok ang ibinibigay sa atin. Sa madaling salita, mas maraming magiging sakit ng ulo kaysa sa pakinabang.

Pero ang pagbili ngayon ng Pinas ng fighter jet, ay biglaang desisyon dahil ba sa paghahanda sa giyera laban sa China?

O baka naman ang pagbili sa napakamahal na fighter jet ay dahil sa ex-deal? Ang ibig kong sabihin, ibang ex-deal ito. Ang ex deal kasi, kapag sinabi, palitan ng produkto at serbisyo. Ngunit ang ex-deal na tinutukoy natin ay hindi kaya isang pangyayari sa United States na kailangang itago at upang hindi lumabas ay nakipagpalitan ng kasunduan?

May nais itago na hindi dapat mabulgar sa madlang pipol kung kaya bagaman mabigat ang kasunduan kung saan napang iilaliman ang Pilipinas, walang magawa sapagkat hindi kailangang mabulgar ang isang sikretong malupit.

Kaya ang nangyari, “swak sa banga” ang Pilipinas. Wala namang ibang pagpipilian? Ang masaklap pa, Nahila-hila na rin tayo sa laban ng Amerika sa China sa pag-angkin sa Taiwan. Kung tutuusin, wala tayong pakialam sa problema ng Taiwan, pero ngayon meron na.

Paano natin mapauuwi ng ligtas ang ating mga kababayan na nagtatrabaho doon? Kaya ba nating isakay sa mga eroplano o barko ang lahat ng mga Pinoy sa Taiwan?

Hay naku! Malupit talaga ang nangyaring ex-deal na ito ng PIlipinas. Dapat sa ex-deal parehong panalo, pero rito talong-talo tayo. Kelan ba magigising ang gobyerno?