MANILA, Philippines- Walang bagong impormasyon ang nakuha kay dismissed Bamban Mayor Alice Guo o Guo Huang Ping sa tunay na pangalan sa ginanap na executive session kamakailan, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian.
Sinabi ni Gatchalian na tumagal nang mahigit dalawang oras ang executive session kaya’t inaasahan nitong ibubulgar ni Alice Guo ang bagong pangalan ng tauhan o opisyal ng gobyerno na tumulong sa kanya o ibang personalidad na sangkot sa illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) pero walang nangyari.
“Personally, wala akong nakuhang bago. Lahat ng kanyang nasabi ay halos lahat ay lumabas naman sa hearing,” ayon kay Gatchalian sa panayam.
“Kaya hindi ko masasabi na meron akong, personal ha, meron akong nakuhang bago na pwedeng gamitin at pwedeng gamitin para matukoy natin kung sino itong mga nasa likod ng POGO,” dagdag niya.
Dahil dito, sinabi ni Gatchalian na hindi na dapat pagbigyan si Guo ng panibagong executive session kapag hiniling niya ito.
Aniya, patuloy na itinatanggi ni Guo na sangkot siya sa illegal POGO operations –isang bagay na palagi nitong sinasabi sa public hearing.
“Ganoon ‘yung sinabi niya sa open hearing. Sa executive session, ganon rin ‘yung kanyang tono. Kaya para sa akin, wala akong nakuha na kakaiba sa pagitan ng open hearing at sa executive session,” giit ni Gatchalian.
“May mga ibang detalye na hindi ko lang masabi. But overall, sa ang aking pag-analisa, kumbaga hindi malaman ‘yung aming nakuha,” patuloy niya.
Taliwas ito sa pananaw ni Senador JV Ejercito sa pagsasabing may bagong pangalan at bagong impormasyon ang napiga kay Guo sa executive session.
Sinabi ni Ejercito na dapat maghinay-hinay lamang kay Guo dahil natatakot ito para sa sariling buhay.
Sa unang executive session, sinabi ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros na may impormasyon na ikinanta ni Guo na tumutugma sa kanilang teorya hinggil sa illegal POGO operations. Ernie Reyes