Home HOME BANNER STORY Walang border control, travel restrictions sa COVID spike sa Singapore – Herbosa

Walang border control, travel restrictions sa COVID spike sa Singapore – Herbosa

MANILA, Philippines – SINABI ni Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa na hindi niya irerekomenda ang border control o travel restrictions sa gitna ng napaulat na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Singapore.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Herbosa na hindi rin siya magsu-suhestiyon ng pagpapatupad ng mandatory na pagsusuot ng face masks sa publiko.

”I’m not thinking border control, mandatory mask…” ayon kay Herbosa.

Sa ulat, nagsimula na ulit lumobo ang kaso ng COVID-19 sa Singapore.

Ayon sa eksperto, bagama’t dapat na mag-ingat, hindi naman dapat na mabahala ang mga Filipino.

Sa Singapore kasi ngayon ay hinihimok ang publiko na magsuot ng facemask dahil sa bagong wave ng COVID-19.

Sinasabing mula sa dating 13,700 (April 28-May4) ay sumipa na ito sa 25,900 (May 5-May11) ang tinamaan ng COVID-19 sa Singapore.

Sinabi naman ng Singaporean Health Ministry, wala itong nakikitang kumakalat na mas nakahahawa o mas malalang COVID-19 variant kaya’t sumipa ang kaso.

Malamang daw ay humina na ang immunity ng mga tao kontra COVID-19.

Tinatayang maaabot ang peak ng COVID-19 sa kalapit na bansa sa susunod na dalawang linggo.

Kaya kung si COVID-19 Task Force Adviser Dr. Tony Leachon ang tatanungin mas mainam pa rin sa Pilipinas ang magsuot ng face mask sa mga matataong lugar gaya ng ospital palengke at pampublikong sasakyan.

Mahalaga rin na kusang mag-isolate at magpa-test sa COVID-19 kung may nararamdaman ng sintomas.

Sinabi ni Leachon na hindi dapat maalarma ang mga Filipino sa bagay na ito dahil ‘manageable’ pa naman aniya ito.

Sinabi pa niya na wala siyang sinasabing kailangan na mag-lockdown.

Ang kailangan aniya ay isulong ang normal na buhay kasabay ng pag-iingat. Kris Jose