Home NATIONWIDE Walang dagdag-bawas sa halalan – Comelec

Walang dagdag-bawas sa halalan – Comelec

MANILA, Philippines – Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na walang manipulasyon o tampering ng boto sa katatapos lamang na midterm elections.

Ito ang pinabulaanan ng Comelec matapos magkaroon ng agam-agam ang publiko sa pagkaantala at duplication ng data sa transmission ng election returns.

Sa isang pahayag, sinabi ng Comelec na nag-ugat ang isyu mula sa automated transmission of data ng Automated Counting Machines (ACMs) sa transparency servers ng media organizations at accredited citizens’ arms tulad ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) at ang National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL).

Ang mga transparency server na ito ay sa kalaunan nag-publish ng data sa kani-kanilang mga website.

Ipinaliwanag ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na bagamat ang lahat ng transparency server ay tumatanggap ng naka-encrypt, machine-readable na election returns sa real time, tanging ang Comelec Central Server lamang ang may kakayahang awtomatikong i-convert ang impormasyong ito sa data na nababasa ng tao.

Ayon sa Comelec, ang discrepancies na naobserbahan sa vote counts na nailathala ng ibang entities ay resulta ng repeated inclusion ng naunang nai-transmit na election returns.

Nangyari ito dahil ang naunang datos ay naisama muli, na nagdulot ng pagdodoble sa mga ipinapakitang resulta at nakaapekto sa espekulasyon ng publiko at mga hinala ng vote-padding o pagbawas — tinatawag na ‘dagdag-bawas.’

Binigyang-diin na ang Comelec official website ay hindi nakaranas ng ganitong isyu at nagpakita ng tumpak at pare-parehong data.

Nilinaw din nito na habang nagbibigay ang mga transparency server ng real-time updates, tanging ang Certificates of Canvass (COCs) na iniisyu ng municipal, city, district, at provincial board of canvassers ang nagsisilbing opisyal na batayan para sa mga resulta ng halalan.

Ibinabahagi rin ang lahat ng developments sa mga kinatawan ng PPCRV, NAMFREL, media, at political parties sa Comelec Data Center at sinabing walang secrecy, concealment, o pagtatakip.

Pinaalalahanan din ng ahensya ang publiko na ipinagbabawal ng batas ang paglalabas ng mga ranggo ng kandidato para sa anumang pambansa o lokal na posisyon habang nananatiling hindi opisyal ang mga resulta.

Kapag pinal at opisyal na ang pagbilang ng mga boto, maaaring ianunsyo ng Comelec ang order ng mga kandidato batay sa kabuuang boto na natanggap.

Inulit ng poll body na ang lahat ng nai-publish na resulta ay partial at unofficial, at hinikayat ang publiko na umasa lamang sa mga verified sources.

Para sa real-time na partial at hindi opisyal na resulta ng May 12, 2025 National and Local Elections, sinabi ng Comelec na maaaring bisitahin ng publiko ang: https://2025electionresults.comelec.gov.ph. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)