MANILA, Philippines – Walang pagpapalawig sa deadline ng registration sa social media accounts ng political parties, partylist groups at aspirants para sa kanilang kampanya para sa 2025 polls, sinabi ng Commission on Elections (Comelec) nitong Martes, Nobyembre 19.
Ayon sa Comelec resolution No. 11064-A, ang social media registration ay dapat sa/o bago ang Disyembre 13.
Pinaalalahan ni Comelec Chairman George Erwin Garcia ang mga concerned parties na sumunod sa bagong guidelines ng Comelec upang hindi ma-delete ang kanilang mga posts o platforms.
Ang social media account registration ay bahagi ng regulasyon ng digital election campaigning.
Layon nitong i-regulate ang paggamit ng artificial intelligence at ipagbawal ang paglaganap ng disinformation at maling impormasyon.
Ayon pa sa Comelec resolution No.11064-A, inamyendahan din ng poll body ang patakaran sa mga tuntunin sa social media sa pag-alis sa probisyon na ang mga accounts ng mga pribadong indibidwal ay dapat irehistro at i-regulate.
Sinabi ng komisyon na ang pag-amyenda ay layong itaguyod ang kalayaan sa pagsasalita at pagpapahayag ng mga pribadong mamamayan. Jocelyn Tabangcura-Domenden