Home NATIONWIDE Walang destab plot vs PBBM sa AFP – spox

Walang destab plot vs PBBM sa AFP – spox

MANILA, Philippines – Pinabulaanan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga usap-usapan ng destabilization plot laban sa Marcos administration sa kanilang organisasyon.

“Wala pong ganiyan sa AFP,” pahayag ni AFP spokesperson Colonel Medel Aguilar sa panayam ng DZBB.

“We can assure the public that we are solid and united. And we’ll focus sa ating misyon. Huwag muna kaming idamay-damay sa mga iyan kasi it will not be good for our country,” dagdag pa niya.

Nagpahayag ng kumpiyansa si Aguilar na hindi lalahok sa anumang destabilization plots laban sa administrasyon ang mga aktibong sundalo, dahil sila umano ay propesyunal at matapat sa liderato ng organisasyon.

Nitong Linggo, Enero 7, matatandaan na pinasinungalingan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang tsismis na sikreto umano siyang nakikipag-usap sa ilang pulis, sundalo at politiko sa umano’y destabilization plot.

Wala rin umanong dahilan si Duterte para gawin ito dahil kumportable siya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Pinanatili niya ang dating pahayag na kuntento na siya sa mga nagawa sa pagiging dating Pangulo, sa mga nagawa sa bansa, pamilya at sa sarili.

Ipinunto rin ni Duterte na tapos na siya sa politika sa puntong ito ng kanyang buhay.

Kamakailan, pinabulaanan din ng Philippine National Police (PNP) ang mga ulat ng destabilization plots laban sa administrasyong Marcos na kumakalat sa social media.

Ani PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, nakikipag-ugnayan na sila sa AFP para tugunan ang mga isyung ito.

“Sa ngayon, wala naman po tayong namo-monitor na any destabilization plot kagaya po ng naririnig natin lately,” sinabi ni Fajardo sa public briefing noong Biyernes.

“We are closely coordinating with our counterparts particularly the Armed Forces of the Philippines and we are ready to address these kinds of issues kung darating po tayo sa ganoong punto,” dagdag pa niya.

Ayon kay Fajardo, batid niya at ng PNP ang mga kumakalat na post sa social media na gumagamit pa ng larawan ni PNP chief Police General Benjamin Acorda Jr. at AFP chief of staff General Romeo Brawner Jr.

Inabisuhan niya ang publiko na huwag basta-basta maniniwala sa mga ulat na ito sa social media. RNT/JGC