Home OPINION WALANG KUWENTA SI BARANGAY CHAIRMAN

WALANG KUWENTA SI BARANGAY CHAIRMAN

TAPOS na ang fiesta sa barangay pero mistulang may
kapistahan pa rin. Halos gabi-gabi may inuman sa bangketa at
kung minsan ay sa gitna pa ng kalsada na nilagyan ng tolda.

Minsan, nang ako ay lumabas mula sa bahay, may nag-alok pa
sa akin ng tagay. Tinanong ko kung ano ang okasyon.

Nagpainom daw ang aming barangay chairman. Gulat na gulat
nga raw sila dahil ngayon na lang uli nagpainom sa kanila si
Kapitan.

Noong nagbabalak kasi dati ang chairman na tumakbo sa
barangay, umuulan lagi ng alak na may kasama pang pulutan.

Panay ang kanyang kaway at kamay sa mga residente. Ang ngiti
ay abot hanggang sa tainga. Malambing at magiliw mangusap.

Nang maglaon, hindi na siya mahagilap. Siyempre, bigatin kaya
mga bigatin na rin ang mga kabungguan niya ng bote. Palagi raw
siyang nasa out-of-town seminar at pa-meeting ng mayor.

Kapag dadaan sa harap ng bahay, ang tigas na ng leeg, ni hindi
makalingon, hindi makausap, hindi na makamayan.

Ngayon, buhay na naman ang dugo ni chairman. Balik ang
kanyang dating estilo ng kaplastikan at pagiging epal sa mga
kalugar. Re-eleksyonista kasi si kapitan.

Ang sabi ko sa aking sarili at sinasabi na rin ng maraming
kapitbahay, yari ka ngayon kapitan. Kami naman ang
magsusuplado sa’yo. Gaganti kami. Hindi ka na namin iboboto!

Hindi namin iboboto si chairman dahil sa kanyang kaplastikan at
kaepalan. Hindi namin siya iboboto sapagkat ang totoo ay wala
siyang nagawang mabuti sa barangay, kasama ng ilan niyang
kagawad na nahawa sa kanyang kainutilan.

Ay, mayroon nga palang isa. Taon-taon ay nagpapalit ng CCTV
camera ang barangay. Kasi, mayroong kita. Mayroong kickback.
Sa ibang proyekto at programa, alaws. Nganga! Wala kang
kuwenta chairman!

Kayo, may kuwenta ba ang chairman at mga kagawad sa inyong
barangay?