
MANILA, Philippines – Ito ang pahayag ng Kinatawan ng AGRI Party-list at kumakandidatong Senador Manoy Wilbert Lee nang muli niyang kalampagin ang Department of Health (DOH) para bilisan ang pagkakaloob ng mga kagamitan sa pampublikong ospital tulad ng Positron Emission Tomography (PET) scan, Computed Tomography (CT) scan at Magnetic Resonance Imaging (MRI), at iba pang kailangan sa pagpapagamot ng mga pasyente.
Sa ginanap na pagdinig ng Committee on Health sa Kamara tungkol sa mga ipinatupad na dagdag na benepisyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) nitong Miyerkules, iginiit ng Bikolanong mambabatas na dapat sabayan ang pinalawak na serbisyo ng ahensya ng dagdag na mga gamit at pasilidad pangkalusugan.
“Masasayang lang ang mga dagdag na coverage kung wala namang mga gamit at makina. Napakarami nating kababayan na kapag sinabihan na kailangang magpa-CT scan, hindi na bumabalik dahil mahal ang gagastusin. Ngayong may sasagutin na ang PhilHealth, hindi pa rin ito agad mapakinabangan dahil ilan lang ang ospital na may ganitong pasilidad. Ang PET scan equipment, NKTI (National Kidney Transplant Institute) at UP Philippine General Hospital lang ang meron, gaano pa katagal ang hihintayin nila?” saad ni Lee.
Kabilang sa nilagdaang kasunduan ng DOH at PhilHealth na isinulong ni Lee sa nakaraang budget deliberations noong Setyembre 25, 2024 ang pagsusumite ng DOH ng detalyadong plano sa pagbili ng mga makina at gamit para sa mga pampublikong ospital sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP).
Ayon pa kay Lee, plano niyang maghain ng panukalang batas para magbigay ng amnestiya sa mga di naresolbang kaso laban sa mga ospital at doktor, at sa mga na-deny na claims dahil sa late filing.
“Maraming kaso na maliliit at mga kasong dahil sa ‘double entry’ or ‘double payments’. Nabanggit ko na po ito nung 2023 pa, mga kaso na P2,000 ang halaga, pero ang penalty ay aabot ng P300,000, tapos suspendido pa ang ospital, na dahilan kung bakit hindi makatanggap ng PhilHealth patients,” pahayag ni Lee.
“Kailangan po natin ng mas maraming ospital na nakakapagbigay ng serbisyo sa ating mga kababayan. Kung masususpinde sila at haharap sa mga kaso na kung tutuusin ay maliit lang naman, sa huli, apektado ang kanilang serbisyo,” dagdag ng Kongresista.