MANILA, Philippines- Nangako si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na walang Filipino na maiiwang nagugutom sa ilalim ng “Bagong Pilipinas.”
Ito’y bunsod na rin ng pinasiglang sektor ng agrikultura kung saan ang mga magsasaka ay may bitbit na modernong “agricultural knowledge” at sapat na suporta mula sa gobyerno.
Sa naging talumpati ng Pangulo sa idinaos na ceremonial palay harvesting at pamamahagi ng iba’t ibang tulong sa Candaba, Pampanga, sinabi ni Pangulong Marcos na ang pagtutulungan ng bawat mamamayan ang maghahatid sa mas maayos na Pilipinas kung saan wala ni isa man ang maiiwan.
“Ang ating pagtutulungan na mapaunlad ang ating sektor ng agrikultura ay isa lamang sa mga pangunahing hakbang tungo sa pagbuo ng isang Bagong Pilipinas— kung saan walang nagugutom at ang lahat ay masigabong kumikilos para sa mas masaganang kinabukasan,” ayon kay Pangulong Marcos.
At upang matiyak na mapanatili ang ani, siniguro ng Punong Ehekutibo sa mga magsasaka ang suporta ng pamahalaan sa lahat ng kanilang pagsusumikap, sabay sabing ang bawat punla o buto na kanilang itinatanim ay magsisilbing pundasyon ng malakas at masaganang hinaharap.
Nauna rito, pinangunahan ni Pangulong Marcos ang ceremonial palay harvesting sa Barangay Mandili sa Candaba kung saan ay namahagi rin siya ng iba’t ibang tulong gaya ng hauling trucks, seeds, financial assistance, at iba pa sa mahigit sa 12,000 magsasaka at 10 kooperatiba at asosasyon ng mga magsasaka.
Pinuri naman ng Pangulo ang pagsusumikap at dedikasyon ng mga magsasaka, dahilan ng pagtaas ng rice production sa Pilipinas noong 2023, iniuugnay sa distribusyon ng pamahalaan ang “high quality seeds” at ang sapat na suporta.
“Sa ating mga minamahal na magsasaka, ang inyong dedikasyon, sakripisyo at sipag ay tunay na nagsisilbing inspirasyon sa ating lahat. Ang inyong mga kamay – na masigasig na nagbubungkal ng lupang inyong sinasaka – ang siyang nagbibigay ng buhay at sigla sa ating sambayanan,” ayon kay Pangulong Marcos.
Samantala, dumalo naman sa ceremonial palay harvesting at pamamahagi ng tulong sina Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., Assistant Secretary Arnel De Mesa, Pampanga Rep. Anna York Bondoc at ilang lokal na opisyal. Kris Jose