MANILA, Philippines – SINABI ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang prisoner-swap o ‘palit-ulo’ sa pagitan ng Pilipinas at Indonesia kasunod ng pag-aresto sa dinismis na si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Sa naging panayam ng mga miyembro ng Malacañang Press Corps (MPC), winika ni Pangulong Marcos na walang ‘official request’ mula sa Indonesian government para sa ‘prisoner swap.’
”Wala namang nag-swap. Walang swap,” ayon kay Pangulong Marcos.
”There was… because lumabas sa isang article sa Indonesia na dapat mag-swap pero hindi official ‘yun because an article came out in Indonesia suggesting a swap but it was never official],” aniya pa rin.
Tinuran pa ng Chief Executive na ang pakikipag-ugnayan sa Indonesian authorities hinggil sa pag-aresto kay Guo ay “very intricate at sensitive.”
Binanggit nito na ang kanyang naging byahe sa Indonesia ay nakatulong sa kanya na magkaroon ng maraming kaibigan na tumulong naman sa proseso ng pag-aresto kay Guo.
”Kinakausap natin ang mga kaibigan sa Indonesia. Buti na lang marami tayong naging kaibigan na dahil sa pagpunta-punta ko sa mga iba’t ibang bansa… Indonesia being one of them at naging malapit kami ni President Jokowi… naging bahagi ‘yun kahit na hindi ganoon kasimple ang pag-transfer,” ang pahayag ni Pangulong Marcos.
Sa ulat, una nang sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na may ilang kondisyon para sa deportation ni Guo na nadakip sa Tangerang, Indonesia.
Una nang lumutang ang isyu na hinihiling umano ng Jakarta Police na ipagpalit si Guo kay Haas, na nakapiit sa Pilipinas.
Napag-alaman na si Haas ay nadakip ng Bureau of Immigration sa San Remigio, Northern Cebu noong Mayo 15, 2024 bunsod na rin ng Interpol red notice.
Subalit, sinabi naman ng tinuran ni Justice Undersecretary Nicky Ty na wala pa silang natatanggap na official request mula sa Indonesian government hinggil sa umano’y “palit ulo” sa naarestong si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Aniya, wala pang opisyal na pakiusap o hiling ang Indonesia kaugnay sa isyu ng “palit ulo” sa Australian national Gregor Johan Haas, na most wanted sa bansa dahil sa kaso ng drug smuggling.