Home NATIONWIDE Walang patay, sugatan ng Pinoy sa baha, mudslide sa Indonesia

Walang patay, sugatan ng Pinoy sa baha, mudslide sa Indonesia

MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW) na walang Filipino ang iniulat na nasaktan o sugatan sa matinding pagbaha at mudslides na tumama sa West Sumatra, Indonesia.

Sa advisory, sinabi ng DMW na mahigpit na nakikipag-ugnayan sa Philippine Embassy sa Jakarta habang binabantayan ang sitwasyon sa flood-hit area.

“The Philippine Embassy in Jakarta (PE-Jakarta) has yet to receive reports that OFWs (overseas Filipino workers) or Filipino nationals were harmed or injured. MWO-SG (Migrant Workers Office-Singapore) is coordinating closely with PE-Jakarta to monitor the situation,” anang DMW.

Nilinaw ng DMW na walang MWO physical presence sa Indonesia at nakukuha lamang ng ahensya ang ulat nito sa pamamagitan ng MWO sa Singapore.

Sa mga local reports, sinabi na 37 katao na ang namatay habang hindi pa kumpirmadong bilang ng mga tao ang nawawala pa rin dahil sa cold lava flood ng Mount Marapi sa West Sumatra.

Sinabi ng West Sumatra Regional Disaster Management Agency na ang cold lava flood ay bunsod ng malakas na pag-ulan nitong mga nakaraang araw.

Iniuulat ng mga ahensya ng gobyerno ng Indonesia na ang mga distrito ng Agam at Tanah Datar malapit sa Padang sa West Sumatra ay ang mga lugar na pinakamatinding tinamaan.

Sinabi ng DMW Head Office na susubaybayan nito ang mga development at maglalabas ng mga bulletin. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)